Abante Tonite Interactive

Gutang, Gray sasandalan ng Go For Gold sa PBADL

263

Mas magiging mahirap para sa Go for Gold-CSB Scratchers na muling umangat sa panibagong season ng PBA D-League.

Matatandaang nasungkit ng Scratchers ang titulo sa Foundation Cup noong nakaraang taon nang pabagsakin ang Che’Lu Bar and Grill pero mas magiging mabigat ngayon ang laban ng koponan.

Sa huling season ng D-League, anim na tropa lamang ang naglabo-labo para sa titulo at ngayong 2019 season, 20 koponan ang magbabanggaan para sa korona ng Aspirant Cup.

“It will be a tough climb for us to win the championship again,” pag-amin ni Tiu kahapon.

Bukod sa dami ng makakaharap nito, malaking problema rin ni Tiu ang paghahanda para rito. Dahil ilan sa kanyang manlalaro ay injured at may iniindang karamdaman.

Pero positibo pa rin ito na kakayanin ng kanyang mga bata na sumabay sa ilang koponan at nakasisiguro ito na kaya nilang depensahan ang kanilang titulo.

“The fact that we have a whole team intact, I think malaking bagay yun. We’re looking at this as a stepping stone for the NCAA,” dagdag niya.

Ibabandera ng Scratchers ang isa sa mga player ng College of Saint Benilde na si Justin Gutang kasama rin ang draft na si Jeremiah Gray, na kamakailan lang ay binigay ang serbisyo sa Mighty Sports na hinawakan din ni Tiu.

Magiging isang hamon aniya ito kay Gutang na ngayon ay inaabangan ng lahat at umaasa si Tiu na mas mahasa pa nito ang kanyang kakayahan at talento.