Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Gutom, kulang sa tulog nang-hostage ng PWD

0 60

Patay ang isang lalaki na 2-araw nang hindi natutulog at kumakain matapos mabaril ng pulisya nang mag-amok ito at mang-hostage ng babaeng person with disability (PWD) Linggo sa Quezon, Palawan.

Naisugod pa sa Quezon Medicare Hospital ang suspek na si Bernard Cortez Adial, 48, subalit idineklara na ring dead on arrival matapos mabaril sa leeg.

Sa ulat ng Palawan Police Provincial Office na ipinadala sa Camp Crame, naganap ang insidente alas-5:30 ng hapon kamakalawa sa Barangay Isugod ng nabatid na bayan.

Isang tawag ang natanggap ng pulisya hinggil sa insidente kaya agad silang rumesponde.

Nang makita ng suspek ang mga pulis ay agad nitong hinostage si Sheila Mae, 22, gamit ang isang 24 na pulgadang itak. Ang biktima ay may problema sa paglalakad at hirap din sa pagsasalita.

Sa kabila ng pakiusap ng pulisya na pakawalan ang biktima ay hindi nakinig ang suspek at akmang tatagain pa ang biktima kaya binaril na ito ng pulis.

Nabatid na 2-araw nang hindi natutulog at kumakain ang suspek subalit hindi naman binanggit kung ito ay gumagamit ng iligal na droga. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.