Abante Tonite Interactive

Guwapong aktor napagod sa pamilya

1,604

tonite-no-thanks-cristy-fermin
Maraming natutuwa para sa isang guwapong male personality. Hindi na siya bata, may kaliitan lang siya, pero nasa wastong edad na ang lalaking personalidad.

Natutuwa ang mga nakapaligid sa guwapong aktor dahil nagising na siya sa katotohanan. Marunong na siyang lumaban ngayon, may boses na siya sa kanyang pamilya, hindi tulad nu’n na sunud-sunuran lang siya sa mga ito.

Kuwento ng aming source, “Nakakaawa kasi ang batang ‘yun, talagang sa kanya na lang umaasa nu’n ang pamilya niya, siya lang ang mag-isang kumakayod. Ang lalakas ng katawan ng mga kapamilya niya, pero mga tamad!

Abante Hiring – IT dep

“Paano nga, meron namang isang ____(pangalan ng guwapong aktor) na nagpapakamatay sa trabaho para sa kanila! Bakit pa nga naman sila magtatrabaho, e, meron namang sumasagot sa lahat ng mga pangangailangan nila?

“Binigyan na niya ng pangnegosyo ang mga kapatid niya nu’n, pero ano ang nangyari? Naubos na nga ang ibinigay niyang puhunan, nagkautang-utang pa? E, ‘di siya na naman ang nagbayad ng utang?

“Darating siya sa bahay nila nang pagod na pagod, ni hindi man lang siya tanungin kung kumain na ba siya? Hindi pa siya nakapagbibihis ng pambahay, e, listahan na ng mga bayarin ang isinasalubong sa kanya?

“Nakakaawa siya dahil hindi man lang siya nagrereklamo, parang tinanggap na niya na habambuhay niyang papasanin ang krus,” simulang kuwento ng aming source.

Pero ngayon ay marunong nang makipag­laban ang guwapong aktor, alam na niya kung saan siya lulugar, marunong na siyang manindigan.

“Tumutulong pa rin siya, pero alam na niya kung hanggang saan at kailan na lang. Hindi na tulad nang dati na hanggang huling sentimo, e, sa kanya lang umaasa ang mga kapatid niya.

“Napagod din siya, sa wakas! Napakatagal bago siya nauntog at nagising sa katotohanan na hindi niya kailangang sagutin ang lahat-lahat ng gastos ng pamilya niya. Pero sa kabila nu’n, e, hindi naman nagbabago ang itsura niya, guwapo pa rin siya.

“‘Yun nga lang, hindi na nadagdagan ang height niya,” pagtatapos ng aming impormante habang napapailing.

Regine kasado na ang paglipat sa Dos

Kung paniniwalaan ang mga impormante mula sa ABS-CBN at sa GMA-7 ay plantsado na ang matagal nang umiikot na kuwento ng paglipat ni Regine Velasquez ng istasyon.

Wala pang kumpirmasyon mula sa kampo ng singer-actress, sarado pa ang kanilang bibig, pero may lihim ba namang maitatago nang matagal na panahon sa showbiz?

Ayon sa aming source, pagkatapos ng US concert tour ni Regine ay pipirma na siya ng kontrata sa ABS-CBN, may naalala tuloy kami sa kaparehong sitwasyon.

Nang umalis si Angel Locsin sa GMA-7 ay ganu’n din ang naganap. Pupunta raw sa London si Angel para mag-aral. Kukuha raw ng interior design ang aktres, pero habang nasa ibang bansa pala si Angel ay nakikipagmiting na ang kanyang manager sa mga ehekutibo ng Dos para sa kanyang pagkabilang-bakod, pagbalik ni Angel Locsin mula sa pag-aaral kuno sa London ay pumirma na siya ng kontrata sa ABS-CBN.

Gasgas na ang dahilang career move. Palaging ganu’n ang sinasabi ng mga artistang lumilipat sa kalabang network. At wala namang mali sa ganu’ng desisyon kung mas magiging malusog ang kanilang karera sa lilipatan nilang istasyon.

Kaya lang ay kailangan nilang magpakatatag dahil siguradong may mang-uusig sa kanila sa kawalan ng utang na loob sa network na pinanggalingan nila. Nakakaawa ang mga perso­nalidad sa ganu’ng anggulo.

Hindi naman kasi sila basta naupo lang para kumita, nagdedeliber sila, kasukat ng kanilang ta­lento ang talent fee na ­ibinibigay sa kanila.

Nagkatulungan lang sila, pero dumarating ang panahon ng paghahanap, du’n na pumapasok ang ideya ng paglipat.