Abante Tonite Interactive

Guwapong guy sinusubuan ng ice cream ni tisoy na personality

0 816

SUMIKAT din ang male personality na ito nu’ng kanyang kabataan. Palagi siyang leading man nu’n ng mga sikat na female personalities.

Pero nu’n pa man ay meron nang mga alingasngas na malambot ang lalaking personalidad, mukhang patungo siya sa paglaladlad, natigil lang ang mga ispekulasyon nang mag-asawa siya.

Sa paglipas nang mahabang panahon ay heto na ang nagkakaedad na male personality. Palagi na siyang nakikita sa mga pampublikong lugar na naka-shorts nang pagkaigsi-igsi, may mga kasamang kalalakihan, senyal ng katuparan ng hula nu’n ng marami na isa siyang gay.

Kuwento ng isang source, “Nakita siya na may mga kahalubilong lalaki, okey lang naman sana ‘yun, kaso, sinusubuan niya ng ice cream ang isang katabi niyang guwapong guy!

“Palagi rin siyang nakadikit du’n sa katabi niya, parang silang dalawa lang ang nabubuhay sa mundo, e, sangkatutak ang nakatingin sa kanila!

“Confirmed! Ate nga ang tisoy na male personality na galing sa pamilya ng mga artista! Ladlad na ladlad na nga siya!” namamanghang pagtatapos ng aming impormante.

***

Female personality sakit-sakitan

MALAKING palaisipan para sa marami niyang kaibigan kung bakit tuwing iniimbitahan nila ang isang female personality sa malalayong lugar ay una niyang itinatanong kung may ospital ba sa lugar na ‘yun?

Kung wala raw namang ospital ay meron bang mga clinic na puwede niyang puntahan? Bakit, tanong ng mga nang-iimbita sa kanya, nakaplano na ba ang pagkakasakit niya?

May ganu’ng history kasi ang pamosong female personality, kapag sinusumpong na siya ng katamaran ay bigla niyang sasabihin sa kanyang EP, uuwi na siya dahil umaatake na naman ang kanyang sakit.

Sabi ng aming source, “Kaya niyang ipaliwanag ang sakit na sinasabi niya, meron kasi siyang libro, nandu’n ang lahat ng explanation tungkol sa iba-ibang sakit.

“‘Di ba naman, praning talaga ang babaeng ‘yun? Kaya niyang magpanggap na maysakit kahit maayos na maayos naman ang health niya? Hanggang ngayon, e, ganu’n pa rin siya!

“Kaya kahit saan siya imbitahan, e, ospital at clinic muna ang ipinagtatanong niya kung meron. Praning! Nakakaloka siya!” napapailing na lang na sabi ng aming source.

***

Sharon naburyong

NILALAHAT na namin, walang personalidad na nakaliligtas sa pagiging burn out, ang ibang sobrang buryong na ay nagtitiis na lang dahil sa tindi ng kanilang pangangailangan.

‘Yung nangyari kay John Lloyd Cruz ay hindi nalalayo sa nararamdaman ngayon ni Sharon Cuneta. Pagkaburyong din ‘yun. Ikaw ba naman ang apat na dekada nang humaharap sa mga camera at kumakanta sa entablado kahit maysakit kay ay ganu’n talaga ang kauuwian ng lahat.

Parang panlasa rin ang pag-aartista. Kapag araw-araw tayong kumakain ng magkakaparehong lasa at klase ng pagkain at natural lang na maghanap naman tayo ng ibang makapagpapagana sa atin.

Nakakapagod ang rutina. May mga pagkakataong gumigising pa lang tayo ay parang nakakapagod na. Kasi nga ay nabuburyong na tayo sa trabahong ganu’n at ganu’n din, walang pagkakaiba, ‘yung jingle lang ang ating pahinga.

Kabilang si Sharon sa listahan ng mga artistang anumang oras niya gustuhing magpahinga na sa nakasanayan niyang gawin nang apat na dekada ay puwedeng-puwede.

Nakapag-ipon na siya nang sobra-sobra pa nga sa pangangailangan niya at ng kanyang mga anak, puwede na siyang matulog at kumain na lang, dahil napakabastante na ng kanyang buhay.

At mahirap ispilengin ang pagkaburyong. ‘Yun ang pakiramdam ng kauumpisa mo pa lang sa pagtatrabaho ay gusto mo nang magpa-pack-up sa produksiyon at umuwi.

Nagiging mekanikal na ang artista, nawawala na ang kanyang puso sa pag-arte, dahil sumusuko na ang kanyang utak at katawan sa rutinaryong klase ng trabaho.

Pero pansamantala lang ‘yun. Babalikan pa rin nila ang mundong mahal nila. Isang araw kapag nakapagpahinga na siya ay muli nating makakasama ang Megastar.