Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Guwardiya inagawan ng cellphone, suspek agaw-buhay

0 335

Kritikal ngayon ang isa sa dalawang lalaking tumangay ng cellphone ng isang guwardiya matapos manlaban sa mga humabol na pulis kahapon ng madaling araw sa Malate, Maynila.

Nakaratay sa Ospital ng Maynila ang suspek na si Jason Echon habang nakatakas ang kasabwat nito dala ang cellphone ng biktimang si Jobert Roma, 33, security guard, ng Teresa Street, Sta. Mesa, Maynila.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 9, alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa tapat ng isang botika sa Taft Avenue, kanto ng Estrada Street sa Malate.

Bumaba umano ang isa sa mga ito at kaagad na inagaw ang cellphone ng naka-duty na biktima na isang Oppo Rhino at nagkakahalagang P20,000 at saka mabilis na tumakas.

Tinangka namang humabol ng biktima gamit ang kanyang bisikleta pero dahil mabilis ang tricycle ay hindi niya ito naabutan.

Nagkataon namang nagsasagawa ng Oplan Sita ang Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) sa Taft Avenue kaya pinara ng mga ito ang tricycle ng mga suspek.

Sa halip na huminto, humarurot pa ang mga suspek kaya hinabol sila ng mga pulis na kinabibilangan nina Pcpl Wyner Banggawan at Patrolmen Ace Gerome Limon, Antonio Asunio at Vincent Wacnang.

Pagsapit sa Delpan Sports Complex, bumunot ng baril ang isa sa mga suspek at nagpaputok

kaya gumanti ang mga pulis at natamaan ang isa sa mga suspek sa dibdib. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.