Abante Tonite Interactive

Guwardiya tinodas ng kaaway na drayber

1,911

Patay ang isang security guard makaraang barilin ng kapitbahay na drayber na sinaksak naman ng una nang magkatagpo ang kanilang landas at maungkat ang dating pinag-awayan sa Pasay City nitong ­Biyernes ng gabi.

Dead-on-the-spot sa mga tinamong tama ng bala ng baril sa katawan ang biktimang si Rod­rigo Pable Opinaldo, 45-anyos, may asawa at residente ng Atayde Street, Block 5, Electrical Road, Barangay 191, Pasay City.

Ginagamot naman sa Pasay City General Hospital ang saksak ng patalim sa katawan ng suspek na si Joel ­Zabala Lerios, 50-anyos.

Sa inisyal na ulat ng Southern Police District, dakong alas-11:11 ng gabi nang magtagpo ang dalawa sa kanilang lugar sa Atayde Street.

Bagama’t magkapitbahay lamang umano ang biktima at ang suspek ay hindi nagkikita ang dalawa, pero nang muling magkrus ang kanilang landas ay nagparinigan ang mga ito hanggang sa maungkat ang matagal na nilang away.

Habang nagtatalo ang dalawa ay bumunot ng baril ang suspek at pinutukan si Opinaldo.

Pero nakatakbo pa ang biktima sa loob ng bahay nito kahit duguan at pagbalik ay armado na ng patalim.

Pinuntahan ng biktima ang suspek sa bahay nito at inundayan ng saksak sa katawan bago tuluyang nalagutan ng hininga.

Isinuko ng sugatang suspek ang kanyang sarili sa Station Investigation and Detective Management Branch ng Pasay City Police at agad naman siyang dinala ng mga pulis sa nasabing ospital.