Abante Tonite Interactive

Habagat patuloy na babasain ang Metro Manila

By
1,852

Patuloy na makakaranas ng pag-uulan ang Metro Manila hanggang sa Biyernes dahil sa epekto ng hanging habagat kung saan kahapon ay isinailalim ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astrono­mical Services Administration (Pagasa) sa ­orange warning ang Metro Manila, Ca­labarzon at Central Luzon.

Ayon sa Pagasa, asahan pa rin ang katamtamang pag-uulan na hindi gaya ng naranasan kahapon na isinailalim sa orange rainfall advisory ang Kalakhang Maynila, Cavite, Batangas at Rizal, na ang ibig sabihin ay may malakas na pag-uulan na katumbas ng 15mm-30mm na ulan na tatagal ng dalawang oras, banta ang pagbaha at paglikas habang sa yellow rainfall advisory na 7.5mm-15mm buhos ng ulan na tatagal ng isang oras sa Bulacan, Pampanga, Bataan, Laguna at Hila­gang Quezon.

Nakataas pa rin ang gale warning sa mga baybayin ng Batanes, Calayan, Babu­yan, Cagayan, hilagang baybayin ng Ilocos Norte, Isabela, Aurora, Zambales, Bataan, Mindoro, Batangas at kanlurang bayba­yin ng MIMAROPA kung saan pinag-iingat ang mga mangingisda sa pagpalaot dahil sa malakas na alon.

Habang apektado ng habagat ang Luzon at Visayas ay maganda naman ang lagay ng panahon sa Mindanao at walang namamataan panibagong sama ng panahon ang PAGASA.