Abante Tonite Interactive

‘Habal-habal judge’ nanumpa na

293

Pormal nang nanumpa sa tungkulin si Supreme Court (SC) Associate Justice Edgardo Lao Delos ­Santos.

Isinagawa sa session hall ng SC ang oath taking ceremony sa harap ni Chief Justice Diosdado ­Peralta, kasama rin ang pamilya ni Justice Delos Santos.
Nabatid na si Delos Santos ang papalit sa ­binakanteng puwesto ng nagretirong si Senior ­Associate Justice Antonio Carpio.

Si Delos Santos ay dating mahistrado ng Court of Appeals (CA) bago itinalaga bilang SC Justice.

Nakilala si Delos Santos bilang ‘habal-habal judge’ dahil nagmomotorsiklo lamang ito noon para ihatid ang kanyang asawa at mga anak sa eskuwela noong siya ay nasa Municipal Trial Court pa lamang ng Dumaguete City.

Nagtapos ng abogasya si Delos Santos sa University of San Carlos sa Cebu City at naging Executive Judge ng Court of Appeals sa Visayas Station noong 2018.

Bukod kay delos Santos, nauna nang nanumpa sa kanyang tungkuling bilang Associate Justice ng SC si Justice Mario Villamor Lopez mula naman San Beda College.

Nabatid na magtatalaga pa ng isang mahistrado ng SC si Pangulong Rodrigo Duterte para ­makompleto ang 15 mahistrado ng SC.

Sa ngayon mayroon ng 11 mahistrado ang SC ang appointee ni Pangulong Rodrigo Duterte kasama na si Chief Justice Diosdado Peralta na pumalit sa nagretirong si CJ Lucas Bersamin. (Juliet de Loza-Cudia)