Abante Tonite Interactive

Habambuhay na pagkabilanggo sa manyakis na van driver

By
0 551

Madalas mangyari na laging ipinananawagan ng mga biktima ng karaha­san na karamihan ay dulot nang paggamit ng iligal na droga ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga akusado.

Karamihan sa nagnanais na maibalik ang parusang kamatayan ang pamilya ng mga nabiktima ng karumal-dumal na krimen, kabilang na rito ang panggagahasa.

Pero sa isang pag-aaral, hindi ang parusang kamatayan ang nakakapigil sa paggawa ng krimen kundi ang katiyakang mahuli ang mga sala­rin. Tumutukoy sa ganitong pag-aaral ang pagtaas ng krimen kumpara sa mga nalutas ng kapulisan, pati na ang antas ng kabuhayan ng mamamayan na sunod sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

Lumabas din sa pag-aaral na mas bumababa ang krimen habang tumatatag ang ekonomiya at kakayanan ng isang pamilya na bilhin ang kanilang mga pangangailangan, pati na ang kaka­yanang makompleto ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Sa ngayon, halos lahat ng mga karumal-dumal na krimeng nagaganap ay nag-uugat sa kahirapan at paggamit ng iligal na droga subalit nananatili pa rin ang katanungan kung lulutasin ba ng parusang kamatayan ang problema sa bawal na gamot?

Sa kaso ng anim na babae na kabilang sa mga ginahasa at pinagnakawan ng tsuper ng kolorum na utility vehicle (UV) express, may dalawang taon na ang nakararaan sa Lungsod ng Quezon, kamatayan ang parusang isinisigaw ng mga biktima na dapat na igawad sa mga akusado.

Hindi na kailangang banggitin ng TUGIS ang mga tunay na pangalan ng mga biktima bilang pagsunod sa umiiral na panuntunan at wastong asal ng isang propesyunal na manunulat bukod sa karapatan din ng mga biktima na mapanga­lagaan ang kanilang karapatan kahit pa nga lumantad sila at ihayag ang ginawang kahalayan sa kanila ng mga akusado.

Itatago na lamang ng TUGIS sa mga pa­ngalang Joy, 22 at Beth, 27, na kapwa unang lumantad sa publiko upang ireklamo ang ginawa sa kanilang kahalayan ng driver ng kolorum na UV express na kanilang sinakyan habang pauwi na mula sa kanilang trabaho.

Naging ugali na kasi nina Joy at Beth na sumakay ng UV express sa kanilang pagpasok at pag-uwi buhat sa trabaho sa paniwalang mas ligtas at komportable sila rito kung ikukumpara sa pagsakay sa mga pampasaherong jeep.

Gayunman, noong Hunyo 10, 2016, araw ng Biyernes, nahirapan ang dalawa na makasakay sa lehitimong biyahe ng mga UV express na re­gular na nakapila sa kanilang terminal sa Centris Walk Shopping Mall sa EDSA, malapit sa kanto ng Quezon Avenue sa Quezon City, dahil sa dami ng mga pasaherong naghihintay, bukod sa madalang pa ang dating ng mga sasakyan.

Ginabi kasi ng uwi ang dalawa mula sa da­ting alas-sais nang gabi na oras ng pagtatapos ng kanilang trabaho bilang mga kawani sa isang bantog na fast food chain, matapos magpatawag ng pagpupulong ang kanilang tagapamahala.