Abante Tonite Interactive

Habang nag-iinuman sa condo estudyante tinangkang patayin ng Baguio artist

By
0 1,427

Isang kilalang pintor sa Baguio City ang dinakip dahil sa umano’y tangkang pagpatay sa kanyang babaeng ­estudyante noong Linggo, ayon sa report ng pulisya.

Kinilala ang betera­nong pintor na si ­William Magtibay, na siyang founder ng Baguio Arts Guild (BAG).

Inaresto ito kahapon matapos akusahan ng ‘di pinanga­lanang biktima ng umano’y tangkang pagpaslang sa kanya sa pamamagitan ng pagpulupot ng kumot sa mukha nito at leeg.

Sa salaysay ng 29-anyos na biktima, nangyari ang insidente noong Linggo, Nobyembre 4, habang nag-iinuman ang mga ito sa kanyang condominium unit sa Bara­ngay Gibraltar.

Hindi naman nilinaw sa report ng pulisya kung ano ang nag-udyok sa 64-anyos na veteran artist para isagawa ang krimen sa biktima, na nagawang manlaban suba­lit nawalan din ng malay kaya mabilis na ­tumakas ang pintor.

Nang mahimasmasan ay agad itinawag sa pulisya ng biktima ang sinapit hanggang sa madakip si Magtibay sa kanyang tirahan sa Kennon Road ganap na alas-singko ng madaling-araw kung saan nakatakda ring lumaya dahil sa kanyang pagpiyansa.

Napag-alamang kasama ni Magtibay sa pagtatatag ng BAG noong 1988 sina national artists Bencab (painter Benedicto Reyes Cabrera) at Kidlat Tahimik (filmmaker Eric de Guia) at ilan pang kilalang pintor sa Baguio.

Samantala, tinangkang hingan ng reaksyon ang beteranong artist sa alegasyon subalit hindi ito makontak ng TONITE.