Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Habulin, panagutin mga tirador ng ayuda

0 121

Matagal na palang diskarte sa barangay at mga local government officials ang pagkatay sa benepisyong para sa kanilang mga nasasakupan.

Pero ngayon lamang nag-ingay ang ilang apektado dahil sa takot sa mga nasa likod ng pangungupit ng ayuda.

Siyempre nga naman kung mga halal na opisyal ng gobyerno katulad ni chairman, konsehal, mayor, congressman ang sinasangkalan sa modus ay talagang dadagain ka.

Kaya sa mga may lakas ng loob na lumantad para ilabas ang kalokohan ng mga opisyal sa kanilang lugar ay saludo tayo.

Huwag tayong magsawalang-kibo sa pananamantalang ginagawa ng mga tauhan at mga halal na opisyal sa ating mga lugar.

Dapat silang managot. Kahit tauhan nila ang sangkot dapat kaladkarin ang mga opisyal na ito dahil hindi naman sa mga tauhan nila ipinagkatiwala ang ayudang dapat ibigay sa kanilang mga nasasakupan kundi sa kanila mismo.

Kaya hindi benta sa akin ang paghuhugas kamay ng mga opisyal na nakakaladkad sa pangungupit ng ayuda ng kanilang mga tauhan na kesyo pananagutin.

Hindi dapat tantanan ng Department of Labor and Employment (Dole) ang pagsasamantala sa pondo ng bayan na ginagawa ng mga local officials at kanilang mga tauhan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kasuhan ang mga nasasangkot upang kabahan naman kahit papaano dahil bali-balitang matagal na itong modus ng tanggapan ng mga local government officials pero walang naglalantad ng kanilang kalokohan kaya tuloy ang paggawa nila ng kalokohan.

Katulad na lamang ng insidente kamakailan sa Quezon City kung saan ay isang tauhan ng kongresista ang kinakaladkad sa pagkatay sa ayuda particular ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program na mula sa DOLE.

Mas malaki ang pinarte ng itinuturong tauhan ng isang cong sa benepisyaryo.

Hindi ba’t nakakagalit na diskarte, lantarang pagnanakaw ganitong istilo.

Kaya sa iba pang mga kababayan nating napagsasamantalahan ng mga local government officials huwag ninyong solohin ang panggigipit na ginagawa ng mga opisyal at tauhan nila. Ilantad nyo ang kanilang kabulukan baka magkaroon kahit papaano ng konting kahihiyan.

Puwede ring gamitin nyong basehan ang kawalang-hiyaan ng kanilang mga tauhan para huwag na uling iluklok sa puwesto.

Hindi maipagkakailang malaking negosyo ang politika sa ating bansa dahil maraming magkakamag-anak na politiko ang ayaw nang bumaba sa puwesto at sa halip ay nagdadagdag pa ng mga kaanak para maokupa na ang lahat ng puwesto sa gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.