Abante Tonite Interactive

Hadlang sa paglago ng eSports

By
1,602

Marahil ay nagtataka kayo kung bakit ‘di natin mailabas ang mga isasagawang torneo at kasalukuyang ginagawa na mga kompetisyon ng iba’t ibang nag-oorganisang grupo at samahan ng mga nahihilig sa electronic sports o ang mabilis na nagiging popular na eSports.

Ito ay dahil sa ma­rami sa ating mga nakakausap ang kinokon­sidera nila na hindi naaayon sa batas na ipinapatupad ng Games and Amusements Board (GAB) na naglilimita sa dapat na mapanalunang premyo at pagbabawal sa dapat na mapanalunan lamang ng kada isang indibidwal na manlalaro sa mga torneo sa bansa.

Hindi katulad sa ibang mga bansa na umaabot sa 1 milyong dolyares ang nakatayang premyo, kakarampot lamang ang nakatakda sa bawat torneo na mapapanalunan dito sa ginaganap na lokal na torneo maliban pa sa mas ma­laki pa ang babayaran ng mga nag-oorganisa para makakuha ng permiso.

Ang kaganapan na ito ang idinadahilan na siyang pumipigil sa dapat sana’y lubusang pag-a­ngat ng eSports sa bansa pati na rin sa posibleng pagpasok ng mga mala­laking internasyonal na torneo kung saan may pagkakataon ang mga lisensiyado at Pilipinong propesyonal na atleta sa eSports na makapagwagi ng malaking premyo.

Isang bihirang oportunidad, na ang isang Pilipinong atleta partikular na sa sports o eSports ang makapagwagi ng malaking premyo kung kaya naman umaasa ang mga grupong ito na masusing pag-aralan ng pamahalaan ang pagtatakda ng mga batas na nakakapigil sa pag-unlad hindi lamang sa pagbu­nga ng eSports kundi pati sa dapat na ikaunlad ng bawat manlalaro.

‘Wag naman sana na ang isang batas pa ang maglimita sa mala­king kakayanan ng mga Pinoy na makilala sa buong mundo bilang isa sa pinakamagaling sa eSports at mapigilan pa ang pagsisikap ng mga manlalaro na umunlad sa buhay at mapaganda ang kanilang kinabukasan kung mananalo ng malalaking premyo.