Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Haharurot si Joel

0 173

Nagdiwang ng ika-45 kaarawan nitong Lunes, Agosto 2, si Sen. Joel Villanueva. Natapat ito kung saan may sesyon ang Senado kaya naman personal siyang binati ng mga kasamahan sa kapulungan. Pero noong Linggo pa lang, sangkatutak na ang nagbigay ng mensahe sa birthday boy.

Isa si Villanueva sa pinakamasipag na miyembro ng Senado at laging maasahan sa lawmaking process. Sa limang taon na pagtatrabaho niya sa kapulungan, marami na siyang naisabatas na panukala. Sayang nga lang ang anti-endo bill dahil isa sana ito sa maipagmamalaki ng senador pero biglang nagbago ng isip si Pangulong Duterte at vineto ang panukala.

Sigurado tayo na marami ang nawindang sa ginawang pag-veto ng Pangulo sa panukala noong Hulyo 2019. Isa kasi ito sa campaign promise niya noong 2016 pero nang dumating na sa kanyang mesa ay binasura.

Ihalintulad natin ito sa isang amo na nagpaluto ng kare-kare sa kanyang kusinera pero nang ihain na sa hapag kainan ay biglang naghanap ng steak.

Hanggang ngayon, wala pang binibigay na dahilan ang Malacañang kung bakit vineto ni Pangulong Duterte ang anti-endo bill noong 2019. Joke lang ba yung campaign promise sa mga manggagawa tulad ng isyu sa pagsakay sa jet ski sa West Philippine Sea?

Tatakbo ng reeleksyon sa 2022 elections si Villanueva pero sa survey ng Pulse Asia noong June 7-16, hindi maganda ang posisyon ng senador. Nakakuha lang siya ng 18 percent at nasa rank na 18-29. Ewan ko ba kung saan pinulot ang mga respondent at hindi man lang nakapasok sa top 12 ang senador.

Sa kabila nito, positibo pa rin ang pananaw ni Villanueva dahil mahaba pa nga naman ang panahon para umarangkada at makapasok sa winning circle. Tandaan nyo po, dati ring nasa hulihan ng survey si Villanueva noong director general pa lamang siya ng TESDA pero pagkatapos ng eleksyon noong 2016, muntik pang maging number 1 dahil 148,169 boto lang ang pagitan niya kay Sen. Franklin Drilon.

Isa tayo sa naniniwala na makababalik sa Senado si Villanueva. Katulad lang ito ng napanood kong Hungarian Grand Prix nitong Linggo, mula sa pang-14 na puwesto o hulihan matapos ang pagkarambola ng 6 na F1 car, tiniyaga ni Lewis Hamilton ng Britanya na malampasan ang bawat sasakyan hanggang sa magtapos ito sa ikatlong puwesto pagkatapos ng 70 lap.

Ganyan din ang inaasahan natin kay Sen. Joel Villanueva, haharurot siya patungo sa top 3 ng 2022 senatorial elections.

Leave A Reply

Your email address will not be published.