Abante Tonite Interactive

‘Halalan 2019’ mas pinanood sa TV, online

0 419

Mas maraming nanood at tumutok sa “Halalan 2019” election cove-rage ng ABS-CBN News sa TV at online noong Mayo 13, kung saan ibinandila ang boses ng Pilipino.

Nagwagi ang ABS-CBN nationwide mula umaga hanggang gabi ayon sa datos mula sa Kantar Media sa pa-ngunguna ng “TV Patrol” na nakakuha ng rating na 29.2%.

Mas marami ring nanood ng “Halalan 2019” sa umaga at hapon, sa rating na 5.7% at 12.7%. Panalo rin ang “Bandila” na nakakuha ng 6% na rating.

Hindi lang sa TV nanood ang mga Pilipino sa buong mundo. Binantayan din ng mga netizen ang botohan online sa ABS-CBN News sites na nakakuha ng 46.7 mil-yong page views noong May 13 at May 14, halos 434% ang itinaas nito kumpara sa karaniwang araw.

Nagpasalamat din ang mga netizen sa website ng Kapamilya network na halalanresults.abs-cbn.com dahil madali ito gamitin, basahin, at aralin, at may mga real-time na impormasyon mula mismo sa opisyal na datos ng Commission on Elections (Comelec).

Ayon sa Twitter user na si @paviloves, “Ang galing ng pagkakagawa ng website ng ABS-CBN para sa election results. Talagang makikita mo ang hinahanap mo. Kudos!” sabi naman niya.

Pinuri naman ng Twitter user na si @bessie_2012 ang Kapamilya network sa paghahatid nito ng mga mainit na balita. “I salute ABS-CBN for sticking to the cove-rage of the elections, no hidden agenda!” sabi niya.

Nanguna rin ang ABS-CBN News sa social media kung saan nag-trending ang hashtags na #Halalan2019, #HalalanResults, at #HalalanAberya. Umani rin ng 2.6 milyong interaksyon ang Facebook pages ng ABS-CBN News, ANC, TV Patrol, at DZMM noong Mayo 13 at Mayo 14, samantalang 296,000 na interaksyon naman ang itinala ng mga Twitter account na ito sa dalawang araw.

Nanguna sa paghahatid ng mainit na balita noong “Halalan 2019: Ipanalo ang Boses ng Pilipino” coverage sina Noli ‘Kabayan’ De Castro, Ted Failon, Karen Davila, Julius Babao, Bernadette Sembrano, Henry Omaga-Diaz, Zen Hernandez, Alvin Elchico, at Anthony Taberna, kasama sina Gretchen Ho, Amy Perez, at Kim Atienza, na nagsalitan para ihatid ang mga pangyayari noong eleksyon. Tinupad rin nila ang pangako ng ABS-CBN na ibandila ang boses ng Pilipino, at inilahad ang mga kuwento at karanasan ng mga Pinoy mula sa iba’t ibang presinto sa buong bansa at ibang parte ng mundo sa tulong ng ABS-CBN Regional at ng mga ABS-CBN News bureau sa ibang bansa. (RFC)