Abante Tonite Interactive

Halimaw na hindi mapatay

BANGON NA!

By
192

Ang halimaw na hindi mamatay-matay. Sistematikong korapsiyon ang halimaw. Marami na po ang nagtangkang patayin ang halimaw na ‘yan pero paulit-ulit po silang nabigo. Dahil ang mga nangakong papatayin ang halimaw ang kalaunan ay siyang naging halimaw na pinangako nilang patayin. The ogre that never dies.

Sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Rorigo Duterte, sa loob ng tatlong taon, tatlo na rin ang nai-upong Customs commissioner. Sinimulan ni Nicanor Faeldon, pinalitan ni Isidro Lapeña, na pinalitan ngayon ni Rey Leo­nardo Guerero. Mga matitikas na pangalan sa larangan ng katapatan. Sina Faeldon at Lapeña, bago pa man sila nailagay sa bureau, sila ay salamin ng kalinisan at katapatan sa larangan ng pagsisilbi sa bayan. Pero matapos na manungkulan sa Customs, lumabas na duguan, puri’y nadu­ngisan, dangal nabahiran.

Madami na hong nangako ng paglilinis ng korapsiyon sa Customs pero wala pa hong nagtagumpay. Ako’y naniniwala na lubhang mahirap itong gawin dahil sistematiko na po ang korapsiyon sa ahensiya. Kung ang mga pinuno lamang ang papalitan at hindi total overhaul ang mangyayari, hindi magtatagumpay ang anumang pagtatangka na linisin ito sa korapsiyon.

Buong pagmama­laking ibinalita ni Guerrero na mula 35,000 per container na tara, 5,000 na lamang per container ngayon. Bumaba ang tara pero meron pa rin. Kung tumatara pa sila ng 5,000, gaano tayo katiyak na hindi sila tatara ng 35,000 or more per container? This is totally unaccep­table o hindi katanggap-tanggap. Hindi dapat ito pinagmamalaki.

Well at least, sa ilalim ng pamumuno ni Guerrero, wala pa hong nakakalusot, sa ngayon, na iligal na droga kumpara dun sa dalawang nauna. ‘Yan siguro ang mas marapat pang ipagmalaki by the Duterte administration standard.

Customs Chief Rey Guerrero, sir, ipinagdarasal kita. Kundi man ninyo kayanin na linisin ang ahensiya sa korapsiyon, well at least, kayo ay manati­ling malinis at manilbihan ng tapat. Ipinagdarasal ko na ‘wag kayong kainin ng sistemang inyong ipinangakong pasla­ngin.