Abante Tonite Interactive

Halos dekada na, SBP-MVP ‘ala pang napatunayan

Puro Papogi!

By
1,329

Palembang City — Mali­ban sa mga kompetisyon sa Timog-Silangang Asya na sigurado nang para sa bansa dahil ilang dekada nang dinodomina, wala pa ring maipagmama­laking accomplishment ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa ilalim ni Manuel ‘Manny’ V. Pangilinan sa loob ng siyam na taon.

Muntikan pang hindi makapagpadala ng basketball team sa katitiklop lang na Asian Games (AG) dahil sa kung ano-anong dahilan o alibi ng SBP ni Pangilinan, mabuti na lamang at matikas si coach Yeng Guiao at naitawid sa fifth place ang Pilipinas sa kada apat na taong torneo.

‘Yan ay kung sisilipin ang rekord ng bansa sa mga mala­laking kompetisyon sapul noong 2009 hanggang 2018, gaya ng matatapos ngayon dito at sa Jakarta City, Indonesia na 18th Asian Games 2018.

Naupo si MVP sa SBP matapos maagaw ang kapangyarihan sa Basketball Association of the Philippines (BAP) noong 2009 bilang national gover­ning body ng sport o national sport association mula sa grupo na pinangungunahan noon ni Graham Lim.

Sa nakalipas na dalawang AG, pampito lang ang ‘Pinas noong 2014 sa Incheon, South Korea bago pumanlima ngayon.

Pumantay ang 5th sa gaya sa pagtapos rin sa dalawang Asiad noong 1970 at 1978 parehas sa Bangkok, Thailand.

Kaya 4-1-2 gold-silver-bronze pa rin ang hawak ng mga Filipino cager na lahat ay nakakredito sa BAP.

Pinagharian ang unang apat na edisyon ng AG ng Pinoy quintet sa 1951 New Delhi, 1954 Manila, 1958 Tokyo at 1962 Jakarta. Sumegunda sa 1990 Beijing, at tumersera sa 1986 Seoul at sa 1998 Bangkok.

8-4-2-2-7 naman ang sinapit ng Gilas Pilipinas sa biennial International Basketball Fede­ration-Asia Championship for Men noong 2009-2017, tampok ang magkasunod na silver.

Bago ang SBP ni Pangilinan, nakahamig ang BAP ng 5-4-1 medal.

At sa FIBA-Asia Qualifying Tournament, ang 2016 6th place ng Gilas program ni Pa­ngilinan ang dumuplika lang sa kagayang tinapos noong 1964 Tokyo.