Abante Tonite Interactive

Hamon kay Morente

267

Isusulong ni Senador Risa Hontiveros ang lifestyle check sa mga opisyal at kawani ng Bureau of Immigration (BI).

Habang tumatagal ang Senate hearing, dumarami ang mga nabubulgar na katiwalian sa BI kabilang ang ‘pastillas’ raket kung saan hindi lang pala mga Chinese illegal worker ang nakakapuslit kundi maging ang mga puganteng Chinese kapalit ng malaking suhol sa ilang tiwaling immigration officer.

Kung madaling naipupuslit papasok ng bansa ang mga Chinese illegal worker na nagpapanggap na mga turista at ma­ging ang mga puganteng Chinese, ‘di malayo na malayang nakakapasok din ang mga iligal na kargamento kabilang ang droga.

Sa pagsulpot ng mga Philippine Offshore Ga­ming Operator (POGO), tumaas ang insidente ng krimen sa bansa na kinasasangkutan ng mga Chinese national na ang biktima ay mga kababa­yan din nila.

Kabilang dito ang kidnap-for-ransom, prostitution, hindi pagbabayad ng tamang buwis at iba pa.

Dahil sa malaking suhol na kanilang binibigay sa ilang ahensiya ng gobyerno, malakas ang loob ng mga ito na masangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad.

Habang tumatagal ang Senate investigation, tiyak na tutumbukin nito ang isyu ng command responsibility kahit nauna nang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 19 na immigration officer na isinasangkot sa ‘pastillas’ raket.

Ang tanong, ano ang ginagawa ni Immigration chief Jaime Morente sa harap ng mga nabulgar na korapsyon sa kanyang ahensiya?

Sa harap ng mga katiwalian sa BI, buo pa rin ang tiwala ng Pangulo kay Morente at tahasang sinabi nito na mahal niya ang opisyal bilang kanyang dating hepe sa Davao PNP nang siya pa ang alkalde ng lungsod.

Ang tiwala at pagmamahal ng Pangulo sana ang maging daan para magpursige si Mo­rente na malinis ang korapsyon sa BI.

Patunayan niya na hindi sayang ang pagtitiwala na ibinibigay sa kanya ni Pangulong Duterte at tumulong para mapagtagumpayan ang anti-corruption campaign ng pamahalaan.

Kung magagawa ito ni commissioner, hindi lang ang Pangulo ang magmamahal sa kanya.