Abante Tonite Interactive

Hamon ng pagiging Kristiyano ngayon

By
862

Masakit ang minsang puna ni Mahatma Gandhi: “I believe in your Christ, but I don’t believe in you Christians!” Sa kasaysayan nanatiling hamon sa mga Kristiyano ang pagiging tapat at totoo sa pananampalataya, lalo na ngayong makabagong panahon kung kailan mistulang pinakamatindi ang hatak ng mundo sanhi ng kawalan ng pagpapahalaga, pagbagsak ng moralidad, pamumulitika at pagkakanya-kanya ng opinyon o paniniwala sa lipunan.

Bakas na bakas ang pagiging ‘sabog’ ng napakaraming binyagang Kristiyano lalo na ng mga millennial ngayon. Bigo rin ang supposedly ‘upright and exemplary’ na mga produkto ng Catholic at Christian school.

Kung sino pa ‘yung mga gradweyt ng tinaguriang ‘religious’ na eskuwela, sila pa ‘yung mga korap at imoral. Tsk, tsk, wala na talagang ‘sense of right and wrong’ sa ngayon dahil sa materialistic, pragmatic, indifferent and ammoral na sosyedad.

Abante Hiring – IT dep

Higit na nakalulungkot ang pananahimik ng Simbahan at iba pang mga concerned na grupo at sekta sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga mahihirap at nakakalungkot na pangyayari sa ating bansa. Bukambibig ng lahat ay pagbabago ngunit parang wala namang nag-iba sa sitwasyon.

Sinasabi ng mga eksperto sa ekonomiya at bagong administrasyon na mas gumanda raw ang buhay ngayon, gayunman ‘di naman dama ng marami ang ‘change’.

Ngayon lang yata pinakagrabe ang pagkakawatak-watak ng mga Pinoy hindi lamang sa politika kundi maging sa pamunuan ng Simbahan. Ang problema, sa totoo lang, ay ang hindi malinaw na direksiyon at ma­labong layunin ng ating mga pinuno para sa bansa at mga mananampalataya. Lahat ay gusto ng ‘pagbabago’ ngunit kapit-tuko naman sa kapangyarihan.

Walang gustong bumaba sa kanilang mga toreng-gareng dahil lahat ay ‘magagaling’.

Ito ang hamon sa mga mananampalataya nga­yong panahon: ang muling maging liwanag at asin ng mundo! Naitsapuwera na kasi ang Panginoon kaya hindi natin makamit-kamit ang kapayapaan, kaligayahan at kaligtasan. Kailan natin kaya matututunan na kung wala si Kristo, kadiliman lang ang mayroon?

Tama ang kasa­bihan: “Whoever rejects Christ remains without light and no idea which way to go.” Bakas na bakas talaga ngayon ang pagi­ging ‘taranta’ ng marami.

Hindi pa rin kasi tayo marahil natututo sa nakalipas at kasaysayan kung saan madalas mawalay ang pangkaraniwang buhay sa pananampalataya na nagbibigay daan sa pag-alipusta sa mga elementarya at pinagsasalingang katotohanan. Kristiyano man at mga binyagan.

Marami pa rin sa atin ang nabubuhay na parang mga pagano – walang ideya kung ano ang ibig sabihin ng mga salitang Diyos, kasalanan, Krus, pagtitimpi at buhay na walang hanggan.

Excuse me po, marami na talaga sa ating henerasyon ang ignorante sa pananampalataya dahil sa pagba-bracket ng Diyos sa kanilang buhay, sa kanilang personal at propesyunal na mundo. Sa madaling sa­lita, lubos na nakalulungkot na dagsa na ngayon ang may ‘double life’ bilang mga Kristiyano; at walang pakialam na manatili ang mundo sa kadiliman dahil sa kakulangan ng pagkakasundo ng kanilang buhay at pananampalataya!

Hindi tayo nag-iisa bilang mga Kristiyano sa minimithing pagbabago at pagpapabanal ng daigdig. Bilin ni Pope St. John Paul II the Great: “Re-establishing the order wished for by God, and leading the entire world to its fullness, is principally the work of the Holy Spirit, the true Lord of history.” Hilingin daw natin sa Banal na Espiritu na gabayan tayo at hipuin ang puso ng marami – upang maging tunay na maging ‘salt and light’ ng mundo.