Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hamon ni Poe kay Eleazar

0 392

Ilang araw na lang, sasapit na ang deadline na binigay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Mayo 15 para tapusin ng mga local government unit ang pamimigay ng cash aid sa mga apektado ng pinatupad na lockdown sa National Capital Region (NCR) at mga katabing lalawigan.

Umabot sa P2.9 bilyon ang nilabas ng Department of Budget and Management (DBM) at noong Abril 5 naman ibinigay ng Treasury ang pondo sa mga LGU sa Metro Manila at lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Kahit lumagpas ng isang buwan ang pamamahagi ng ayuda, napakinabangan naman ito ng milyon-milyong Pilipino.

Taliwas naman ito sa sitwasyon sa biniling body camera ng Philippine National Police (PNP) sa halagang P289 milyon. Tatlong PNP chief ang dumaan pero hindi nagamit sa kanilang termino. October 2020 at Pebrero 2021, ibinida na gagamitin na raw sa operasyon ng mga pulis ang biniling 2,600 body camera pero hindi naman tinuloy.

Ngayong Mayo 2021, isang opisyal ang nagsabing inaayos pa raw ang protocol dahil sa isyu ng privacy. Inabutan na ito ng pagreretiro ni PNP chief Gen. Debold Sinas noong Mayo 8.

Kaya si Senadora Grace Poe, hinamon ang bagong PNP chief na si Gen. Guillermo Eleazar na itulak ang paggamit ng body camera sa pag-iisyu ng arrest at search warrant.

“I’m hopeful that the new chief will push for the use of body and dash cameras to help make our police force more professional in the field,” giit ni Poe.

Malaki ang tiwala ni Poe kay Eleazar dahil kilalang seryoso ito sa trabaho tulad ng pagsasagawa nito ng inspeksyon sa mga police precinct upang masiguro na pinapatupad ng mga pulis ang peace and order sa kanilang mga nasasakupan.

“We are optimistic that the new PNP Chief will not be the fourth Director-General to let this opportunity pass,” saad ni Poe.

Marami ang pumuri sa pagkakatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Eleazar bilang PNP chief. Pero kung buburuhin din niya ang mga biniling body camera, tiyak na marami ang maba-bad trip sa heneral.

Kumpiyansa naman si Poe na magagampanan ni Eleazar ang hamon sa bago niyang trabaho. “I’m sure the new chief is more than capable of providing these cameras for our police force in an effort to promote justice and transparency in the PNP,” sabi ng senadora.

Kapag magagawa ito ni Eleazar, hindi malayong magkaroon muli ng bagong miyembro ng Senado na manggagaling sa hanay ng PNP.

Leave A Reply

Your email address will not be published.