Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hamon sa rollout ng bakuna

0 230

Yakang yaka raw ubusin hanggang Hunyo 15 ang 1.5 milyong doses ng AstraZeneca COVID vaccines, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. Sa katapusan ng Hunyo kasi mage-expire ang nasabing bakunang gawa sa United Kingdom.

Taliwas ito sa prediksyon ni dating Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) adviser na si Dr. Tony Leachon na hindi kakayaning ubusin ang 1.5 milyong doses ng AstraZeneca na mage-expire sa Hunyo dahil nasa 40,000 hanggang 60,000 lamang ang nababakunahan kada araw.

Kung sino ang nagsasabi ng totoo sa dalawa, malalaman na lang natin pagsapit ng Hunyo 15. Kung mali si Galvez, malaking sampal ito sa kanyang kredibilidad. Kung si Leachon naman ang sablay, wala nang mawawala sa kanya.

Sabi ng Department of Health (DOH), unti-unti nang lumalaki ang tiwala ng mamamayan sa bakuna pero mukhang hindi ito nasabayan ng gobyerno. Makikita mo ang haba ng pila ng mga taong gustong magpaturok ng Pfizer.

Ibig sabihin lang niyan, marami na ang gustong magpaturok pero depende sa brand. Nang dumating kasi sa Pilipinas ang Pfizer na gawa sa Amerika at may 95 percent na bisa ay dinumog na ito ng mga tao.

Isa rin po tayo sa nagbabasakali na maturukan ng Pfizer o kaya ay kahit man lang AstraZeneca. Noong April pa ako nagparehistro online pero kahit acknowledgement man lang, wala akong natanggap. Inulit ko ang online registration ng dalawang beses pero same pa rin ang result.

Minabuti kong pumasyal sa city health office para magtanong at ang sabi nila ay matagal talagang magbigay ng abiso. Baka raw abutin pa ng November bago ako mabigyan ng notice. Hala! ganun ba talaga kabagal ang rollout ng pagbabakuna ng mga tauhan ni yorme?

Hindi pa naman ako senior citizen pero pasok ako sa A3 group dahil sa aking hypertension. Hindi ko na lang babanggitin kung anong siyudad ito pero higit sa 600,000 lamang ang populasyon nito base sa 2015 census.

Sayang naman kung masisira lang ang AstraZeneca vaccines dahil sa expiration gayung marami na ang gustong magpabakuna. Nasaan na ang pinagmamalaki nilang kayang abutin ang herd immunity pagsapit ng November at ang masayang pagdiriwang ng Pasko?

O baka paabutin pa nila ng kampanya ang pagbabakuna para dagdag pogi sa mga kandidato ng administrasyon. ‘Wag naman sanang haluan ng politika ang vaccination program ng gobyerno.

Leave A Reply

Your email address will not be published.