Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Handa ba tayo?

0 138

Kung kailan patapos na ang taon, saka naman sunud-sunod na nananalasa ang mga malalakas na bagyo. Pinakamapaminsala ang Bagyong Ulysses na kumitil sa buhay nang higit pitumpu base sa November 17 data ng NDRRMC. Pero sabi ng PAGASA, may tatlo hanggang apat pang bagyo ang posibleng pumasok sa Pilipinas bago matapos ang 2020.

Kakambal na ng bagyo ang matinding pagbaha. Muli natin itong napatunayan nitong nakalipas na linggo sa paghagupit ni Ulysses. Napuruhan ang lalawigan ng Cagayan matapos magpakawala ng tubig ang Magat Dam. Halos mabura sa mapa ang buong probinsya na nalubog sa baha.

Hindi rin nakaligtas ang Metro Manila. Lagpas tao rin ang baha sa Provident Village sa Marikina City na una nang sinalanta ng Bagyong Ondoy noong 2009. Paghupa ng baha, sangkaterba at ga-bundok na putik ang iniwan sa bahay at ari-arian ng mga apektadong residente.

Dahil dito, muling umugong ang ipinanukala na noong pagtatatag ng DDR o Department of Disaster Resilience. Lusot na ito sa Kamara sa liderato noon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano. Pero hanggang ngayon, nakabinbin pa rin sa Senado.

Sa ilalim ng House Bill 59-89, bukod sa bubuuing DDR, magkakaroon din ng National Disaster Operations Center na mangangasiwa sa monitoring at reresponde sa mga lugar na apektado ng kalamidad.

Related Posts

Pabor si NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad sa panukalang ito. Para sa kanya, mas mapapabilis daw ang pagresponde ng mga ahensya ng gobyerno kung may sariling kagawaran na nakatutok sa disaster response. Kasama rin daw rito ang prevention and mitigation, rehabilitation and recovery.

Sabi ni Cayetano na siyang principal author ng DDR Bill, mahusay na ang gobyerno sa relief operations pero aminado siyang mahina tayo pagdating sa preparedness o pagiging handa.

Kaya naman kinalampag na rin ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda ang Senado na huwag nang upuan ang panukala na noon pa nakabinbin sa kanila. Magsilbi raw sanang wakeup call ang mga magkakasunod na bagyo para talakayin na ito ng Senado

Hanggang ngayon, tinututulan pa rin ng ilang senador gaya nina Sen. Panfilo Lacson at Sen. Richard Gordon ang nasabing panukala. Pondo ang idinadahilan nila. Pero sabi ni Salceda, madali na raw itong gawan ng paraan lalo pa’t ito ang permanenteng solusyon para matugunan ang mga kalamidad sa bansa.

Hangga’t hindi ito naisasabatas, tayong mga ordinaryong mamamayan ang maiiwang luhaan. Kaya ang tanong, tuwing may kalamidad, handa ba tayo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.