Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Handa na ba tayo sa MGCQ?

0 62

Marami pa rin ang may agam-agam at medyo natatakot sa sandaling magdeklara ng modified general community quarantine (MGCQ) sa buong bansa dahil sa pangambang baka biglang tumaas ang bilang ng COVID-19 cases.

Sa harap ito ng posibilidad na tuluyang luwagan ng gobyerno ang mga ipinaiiral na community quarantine status sa Metro Manila at ibang mga lugar para unti-unting makabangon ang bansa.

Para sa mga economic managers ng gobyerno, panahon na para magluwag at magbukas ng ekonomiya upang makabawi sa matinding pagkakalugmok ng ekonomiya at makabalik sa trabaho ang ilang milyong Pilipino na nawalan ng hanapbuhay sa loob ng mahigit 11 buwan.

Hindi po birong sakripisyo ang dinanas ng maraming mga Pilipino kaya naman kailangang kumilos at magluwag para makabangon ang lahat.

Pero para sa mga eksperto, malaking panganib ito dahil sa posibilidad na lumobo bigla ang mga tatamaan ng COVID-19 kapag dumami ang mga lalabas ng bahay at papasok sa mga trabaho.

Pero iginiit ng mga economic manager ng gobyerno na sa nakalipas na tatlong buwan ay hindi nag-spike ang mga kaso ng COVID -19 na indikasyong nag-iingat ang mayorya ng mga Pilipino at alam na kung paano umiwas sa kontaminasyon.

Anila, hindi ang health protocols ang niluluwagan kundi ang nais nilang ipaintindi ay ang pagbubukas ng ekonomiya para mabalanse ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.

Ang sabi nga ng NEDA, naghihigpit ang gobyerno para hindi makapitan ng COVID-19 ang mga tao pero ang ibang isyung pangkalusugan gaya ng kagutuman at malnutrisyon ay hindi napansin na epekto rin ng pandemya natigil ang trabaho at pagkakitaan ng maraming Pilipino.

May mga manggagawa na isang araw lang sa isang linggo kung pumasok dahil sarado ang operasyon ng kanilang kumpanya kaya isipin na lang kung magkano ang kinikita sa isang buwan na talagang hindi sapat para maipakain sa pamilya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Katunayan, inihayag ng Department of Trade and Industry (DTI) na ang Pilipinas na lang ang hindi pa nakakabangon ang ekonomiya sa mga bansa sa Asya dahil sa COVID pandemic gayong noong wala pang pandemic ang Pilipinas ang “second fastest growing economy in Asia” .

Dahil dito pursigido ang mga ekonomista ng gobyerno na isulong ang pagluluwag para unti-unting makabangon at makabawi ang bansa.

Malaki ang gagampanang papel ng mga lokal na opisyal sakaling mag- MGCQ dahil sila ang magpapatupad ng mga alituntunin na dapat sundin ng mamamayan para masiguro pa rin ang kaligtasan habang unti-unting bumabalik sa mga dating nakagawiang gawin.

Bagamat mayroon ng nakikitang pag-asa sa COVID vaccine, hindi na makapaghintay ang kumakalam na sikmura ni Juan dela Cruz sa pagdating ng bakuna .

Tinitiyak naman ng mga opisyal ng gobyerno na bilang paghahanda sa posibleng MGCQ ay sisiguraduhin nilang susunod ang mga establisimento sa mga pag-iingat para makaiwas sa COVID-19.

Ang mga hindi pa pupuwedeng buksan kahit may MGCQ na ay ang pubs o night clubs, sabungan, arcades at iba pang aliwan na kalimitang dinarayo nh maraming tao.

Mahalaga ang kooperasyon ng bawat mamamayang Pilipino para mapanatili ang kaligtasan habang unti-unting ibinabalik ng gobyerno ang pagkakitaan at pagbuhay sa ekonomiya kaya dapat manahimik muna ang mga pasaway at mga kontra pelo dahil para rin naman ito sa ikabubuti at kapakanan ng lahat ng mga Pilipino.

Basta tandaan: Mask, Iwas,Hugas para makapaghanapbuhay para sa pamilya .

Leave A Reply

Your email address will not be published.