Abante Tonite Interactive

Hands Only CPR, patok sa cardiovascular disease

439

Malaki ang maitutulong ng wastong kaalaman sa Hands Only Cardio Pulmonary Resuscitation,para mailigtas ang buhay ng isang inatake sa puso.

Ayon kay Philippine Heart Association (PHA) president Dr. Nannette Rey, ang atake sa puso ay malimit na nangyayari sa labas ng bahay.

Ang pagkabigo na magawan ng CPR ang isang tao na dumaranas ng cardia­c a­rrest sa loob ng tatlo hanggang walong minuto ay maaa­ring magresulta ng permanenteng brain damage.

Nabatid na ang cardiovascular diseases ay ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.

Sa pinakahu­ling datos ng Philippine Statistics Authority, may 74,134 kaso sa kabuuang bilang ng 582,183 namatay noong 2016 ay sanhi ng cardiovascular o heart disease dahilan para ikonsidera itong top killer disease.

Ang cardiac arrest maaring mangyari kahit kanino, kahit anong oras at kahit na saan pang lugar at maaari itong maranasan ng mga taong walang “history” o sintomas na mayroong problema sa puso.

Sa panahon ng atake sa puso, bigo ang puso na maka-pump ng dugo at oxygen sa utak at buong katawan.

Inihalimbawa ni Rey Clang ang kaso ni dating basketball player Samboy Lim na nagkaroon ng cardiac arrest sa isang exhibition game sa Ynares Stadium sa Antipol­o City noong 2014.

“Samboy Lim is not the Samboy Lim we used to know, he survived the full (cardiac) arrest but he had a permanent brain da­mage. Nobody in the stadium knew how to do the CPR (cardio pulmonary resuscitation) and it took them more than 20 minutes to bring him to the Medical City,” ayon kay Rey.

Ang buhay ng isang tao na biglang inatake sa puso ay nakadepende sa kaalaman sa CPR ng mga taong nasa lugar.

Sinabi ni Rey na dapat mai-promote ang kaalaman sa CPR sa buong bansa.

“We’ve been campaigning for this one with the help of some officials and this had been passed into a law in 2016 that everybody all K-12 students should learn how to do hands only CPR,” ayon kay Rey.

Alinsunod sa Republic Act No. 10871 o Basic Life Support Training in Schools Act, inoobliga ang lahat ng basic education students na sumailalim sa pagsasanay sa basic life support.

Gayuman, ang mga estudyante na dumaranas ng anumang physical o mental disability ay exempted mula sa training dahil maaaring hindi nila kakayanin ang basic life support procedure.

Inoobliga rin ng batas ang mga school principals o administrators na makipagkoordinasyon sa Department of Health (DOH) para sa pagkakaloob ng mga may kakayahang instructor para sa pagtuturo ng basic life support education trai­ning program.

May mandato ang DOH na mag-­accredit ng mga non-government organizations (NGOs) na may kakayahan na magturo ng basic life support ins­tructions.
Sinabi ni Dr. Francis Lavapie, chairman ng PHA Council on Cardio Pulmonary Resuscitation kinakailangan na magawa ang tatlong C, ito ay ang pag-check kung may response pa ang biktima, Call for help at ang pagsasagawa ng hands only CPR.

“Ang hands only CPR ay sapat nang makapagligtas ng buhay kahit wala nang mouth-to-mouth resu­scitation dahil mayroong mga pag-aaral na maiiwasan nito ang pagkalat ng anumang contagious di­seases,” ayon kay Lavapie.
Paano bang gawin ang Hands Only CPR

Una, ilagay ang “heel” ng isang kamay sa dibdib ng inaatake pagkatapos ay ipatong sa ibabaw ng kamay ang isa pang kamay, dumiretso at saka i-push ang mga nakapatong na kamay.

Isagawa ang 100-120 compression kada minuto at tiyakin na ang bawat compre­ssion ay may dalawang inches ang taas.

“Kailangan po ito ay mabilis sapagkat ibinibalik natin ang rhythm ng heart beat. Para hindi mawala sa rhythm, pwede ninyong isipin ang kantang “staying alive, staying alive, ha ha ha staying alive” kasabay ng pagdiin sa dibdib ng nag-cardiac arrest,” ayon kag Lavapie.

Patuloy itong gawin hanggang bumalik ang buhay ng pasyente o hanggang dumating ang rescue team. (Juliet de Loza-Cudia)