Abante Tonite Interactive

Hanggang ganda ka lang teh, ‘di ka puwede magbenta ng awto

425

AYOS BA?
Carlito Evangelista

Don’t judge the book by its cover.

Luma na ang kasabihang ito pero puwedeng-puwede nating maranasan kapag tayo ay tumitingin sa mga bagong sasak­yan lalong-lalo na ang mga nasa display areas ng mga shopping mall.

Ordinaryo na lamang kasi sa tanawin na karamihan ay mga naggagandahang mga kababaihan ang nagbabantay sa mga sasakyang naka-display sa mga mall, sa ha­ngarin ng mga car dealer na nagmamay-ari sa mga ito na makarahuyo ng mas mara­ming customer.

Pero dapat isipin na mga car dealer na hindi lamang hitsura ang puhunan sa promosyon ng mga tindan nilang sasakyan dahil higit sa katangiang ito, dapat ay maalam sila sa produktong kanilang ibinebenta.

Sobrang nakakadismaya na kadalasang kapag nakikipag-usap na ang customer sa mga nagbabantay sa mga naka-display na sasakyan ay hindi maipaliwanag ng mga ito kung ano ang ibig sabihin kahit ng mga terminong torque at HP (horsepower) man lamang.

Kaya may mga pagkakataong sa ibang transaksiyon nauuwi ang palitan ng calling card ng ahente at ng nagtatanong sa katangian ng sasakyan na kanyang ibinebenta maging ‘yan ay Toyota, Honda, Mitsubishi, Hyundai, Kia o mga lahing singkitin (Chinese) na mga brand.

Hindi nakakapagtakang may mga pagkakataon pang ang simpleng pagtatanong tungkol sa sasakyan ay naging ugat pa ng pagiging masalimuot na buhay ng nagtanong at ng babaeng ahente.

Dapat nang baguhin ng mga car deale­r ang sistemang ito sa pamamagitan ng pagbibigay muna ng kahit basic lamang na edukasyon sa mga ahente tungkol sa mga produkto nila bago pakawalan sa field.

Pero habang hindi pa nila ito nagagawa, pinakamaganda pa ring sa showroom na lamang dumiretso ang mga tumitingin ng bagong sasakyan dahil madali lang matatawag ang mga puwedeng magpaliwanag tungkol sa nais nilang malaman na hindi kayang sagutin ng ahente sa mall.

Ayos ba?