Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hanggang sa muli Don Ramon: Agimat ng masa ililibing na

0 515

NI: VINIA VIVAR

Naging napakakulay at napaka-kontrobersal ng buhay ng dating Senador at action star na si Ramon Revilla, Sr. Pumanaw siya noong June 26, 2020, bandang 5:20 ng hapon. Sa edad na 93 years old, isinuko na nga ng tinaguriang “Agimat ng Masa” at “Hari ng Agimat” ang kanyang anting-anting. Mapayapa niyang nilisan ang ating mundo.

Hindi matatawaran ang kanyang naging kontribusyon sa mundo ng pelikula having done more than 70 films. Maging sa mundo ng politika bilang Senador ay gumawa rin siya ng sariling tatak.

Bilang pagbibigay-pugay sa Hari ng Agimat, balikan natin ang kanyang naging makulay na buhay bilang isang action star, politiko at ama ng Revilla clan.

SHOWBIZ CAREER

In real life, si Ramon ay si Jose Acuna Bautista na isinilang noong March 8, 1927 sa Imus Cavite. Ang kanyang mga magulang ay sina Don Ildefonso Bautista at Dona Andrea Acuna-Bautista.

Nagtapos siya ng elementary at high school sa Imus Institute. Nakatapos naman siya ng kolehiyo sa Far Eastern University at pinarangalan siyang Outstanding Alumni Award ng FEU-IABF Alumni Foundation, Inc. in 1997.

Maagang natutunan ni Ramon ang reyalidad ng buhay. Para makatapos ng kolehiyo ay nagtrabaho siya bilang gasoline boy at dito siya naispatan ng isang talent scout at hinikayat na mag-artista. Noong panahong iyon ay 19 years old pa lamang siya.

Naging matinee idol si Ramon sa isa sa pinakasikat na production outfit noon, ang Sampaguita pictures at ilan sa kanyang memorable movies ay “Back Pay” in 1947, “Pulo ng Engkanto” and “Yolanda” in 1951, “Not for Bread Alone” and Kadyong Ngiti in 1963.

Tumigil siya sa paggawa ng pelikula at nagtrabaho sa Bureau of Customs as Chief of the Customs Police mula 1965 hanggang 1972.

Nang makaipon ng sapat na pera ay bumalik siyang muli sa movie industry at nagsimula nang mag-produce. He co-produced the movie, Nardong Putik: Kilabot ng Cavite na naging isang box-office hit.

Sa edad na 46 ay muling nagsimula ang kanyang matagumpay na career bilang producer/action star, making hit after hit movies mula sa kanyang itinatag na Imus Productions. Dito na rin siya nagsimulang mag-direk at magsulat ng script ng kanyang sariling pelikula. Ilan sa mga box-office hits ay Pepeng Agimat: Sa Daigdig ng Kababalaghan, Hulihin si Tiagong Akyat, Kapitan Eddie Set: Mad Killer of Cavite, Kapitan Inggo, Bianong Bulag to name a few.

Ang huling pelikula niyang ginawa ay Exodus: Tales from Enchanted Kingdom noong 2005 pagkatapos ng kanyang dalawang termino bilang Senador.

POLITICAL CAREER

Taong 1986 nang unang tumakbo sa Senado si Ramon as independent candidate. Natalo siya dahil hindi counted ang pangalan niyang Ramon Revilla since ang nakalagay na pangalan niya sa balota ay ang tunay niyang pangalang Jose Bautista.

In 1992 ay muli siyang tumakbong Senador under the party, Lakas-LDP Coalition at nanalo bilang no. 2 Senator ng bansa. He was reelected for his 2nd term in 1998 at nagserbisyo hanggang 2004.

Bilang Senador ay nakagawa si Ramon ng mahigit 1,000 bills as principal author and co-author. Ilan sa kanyang mga nagawang bills na naisatabatas ay ang RA 8150: The Public Works and Highways Infrastracture Act of 1995, RA 9165: Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 8294: The Revilla Law kung saan ay inamiyendahan niya ang Presidential Decree 1866 at ibinaba ang prison term para sa kasong Possession of Illegal Firearms na pinakinabangan ni Robin Padilla.

Pinakakontrobersyal naman ang kanyang batas na Revised Family Code of 1988 Amendment kung saan ay pwede nang gamitin ng bawat batang isisilang ang pangalan ng ama kahit hindi kasal ang magulang.

Siya rin ang author ng RA 8370: Magna Carta For Child Labor.

Bilang Senador ay kinilala siya bilang Father of Public Works Act matapos maisabatas ang RA 8150 in 1995.

Pagkatapos ng kanyang termino bilang Senador, he was appointed by then President Gloria Macapagal-Arroyo as Chairman of the Philippine Estate Authority na naging Philippine Reclamation Authority.

FAMILY LIFE

Pinakontrobersyal na bahagi ng buhay ni Mang Ramon ay ang kanyang love life at family life .Hindi naman lingid sa showbiz ang pagkakaroon niya ng maraming anak sa iba-ibang babae.

Ang kanyang unang anak ay si Evelyn Bautista na asawa ng basketball legend na si Robert Jaworski.

Ang pinakasalan niya ay si Azucena Mortel noong February 16, 1944. Nagkaroon sila ng 7 anak na sina Marlon, Rowena, Sen. Bong, Princess, Stryke, Andrea at Diana.

May siyam na anak din siya kay Genelyn Magsaysay at kabilang dito si Ram Revilla na binaril at pinatay noong October 28, 2011. Naging lubhang kontroberyal ang pangyayaring ito dahil ang naging suspects sa pagpatay ay ang mga kapatid ni Ram na mga anak din ni Mang Ramon na sina RJ at Ramona.

Last year ay na-acquit si RJ sa kaso dahil sa kawalan ng ebidensiya habang si Ramona naman ay umalis ng bansa during the prosecution and was never put on trial.

Sinasabing may 72 anak si Mang Ramon sa 16 babae ayon na rin sa kanyang dating spokesperson na si Portia Ilagan.

Pero ayon sa panayam ni Andrea kamakailan, 38 lang ang officialy acknowledged at dala-dala ang apelyido ni Don Ramon. Ito ay base na rin sa DNA tests na isinagawa sa mga ito.

Nagkaroon man ng maraming anak at extra-marital affairs si Don Ramon, hindi maitatatwang naging isang mabuting ama siya sa lahat ng kanyang mga anak at itinaguyod niya’t binigyan ng magandang buhay ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo at pawis.

HULING HANTUNGAN

Ngayong (July 2) ay naihatid na sa kanyang huling hantungan ang Hari ng Agimat sa Angelus Memorial Park sa Imus, Cavite kung saan din nakahimlay ang kanyang asawang si Dona Azucena.

Ang itinerary ay 6AM – Regular Mass at Imus Cathedral, 12NN – Closed Doors (Cathedral)

2PM – Mass for Don Ramon, 230PM – ETD to Angelus, 3PM – ETA at Angelus (Military Honors and Blessing).

Paalam, Don Ramon. You will always be remembered as a great man , a movie icon, a man respected and adored by billions of Filipinos and a loving father.

Leave A Reply

Your email address will not be published.