Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hanggang saan ang red-tagging ni Parlade?

0 172

Parang asong nakawala sa hawla, kaliwa’t kanan si Lt. General Antonio Parlade, Jr. sa kanyang pagbansag sa mga organisasyon at indibidwal bilang mga komunistang terorista. Bilang kasalukuyang pinuno ng Southern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines at isa sa mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), matagal na niyang ginagampanan ang papel bilang numero unong promotor ng “red-tagging” mula sa administrasyong Duterte. Ngunit naglevel-up ang mga atake niya mula nang maisabatas ang Anti-Terrorism Act at malathala ang Implementing Rules and Regulations nito kamakailan.

Laman ng balita ang pinaghalong babala at banta niya sa mga sikat na artista, partikular sina Liza Soberano, Catriona Gray, at Angel Locsin, na nakikipag-ugnayan sa Gabriela, ang pinakatanyag na organisasyong pangkababaihan sa buong bansa. Dapat putulin na raw nila ang anumang ugnay sa Gabriela, dahil front organization umano ito ng CPP-NPA-NDF. Kung magpapatuloy daw sila, maaari silang mapahamak o mamatay.

Umani ng malawak na pagkondena ang red-tagging ni Parlade sa mga artista. Gayunman, hindi nagpatinag, bagkus lalong pinalawak pa niya ang kanyang pagbanta sa mga dumepensa kina Soberano. Kabilang dito si Cavite Gov. Jonvic Remulla, na nagpahayag ng pagsuporta sa karapatang manindigan nina Soberano para sa mga karapatan ng kababaihan. Pinagbantaan din ni Parlade si Mayor Isko Moreno, na nag-utos na ipatanggal ang mga tarpaulin na ipinaskil ng NTF-ELCAC sa ilang lugar sa Maynila na nagdedeklarang “persona non grata” ang CPP-NPA-NDF. “Is Mayor Isko welcoming this terrorist?” aniya kay Yorme.

Tanong: pangangahasan kaya ni Parlade na bansagan din bilang terorista o tagasuporta ng terorista ang isang dating mayor na kilala bilang lantad na tagasuporta ng NPA sa Davao City nang mahigit isang dekada? Ire-red-tag din kaya niya si Pang. Duterte at ang kanyang alalay na si Bong Go na ngayon ay isang Senador na? Siyempre hindi. Katulad ng “narco list” ni Duterte, maaari na ngayong idagdag ang “terrorist list” sa arsenal ng Malacanang na maaaring gamitin laban sa mga itinuturing nitong kaaway sa pulitika.

Para kay Parlade at sa mga katulad niya, sadyang itinatanggi nila ang tunay at mahalagang pagkakaiba ng mga ligal na organisasyong aktibista na katulad ng Gabriela, League of Filipino Students, Kilusang Mayo Uno, at iba pa, sa mga hindi ligal na rebolusyonaryong organisasyon na nagsasagawa ng armadong pag-aaklas laban sa estado, katulad ng CPP-NPA-NDF. Sabi ni Parlade: “Ako’y ano lang, aktibista lang.’ Hindi, hindi ka aktibista, kasi ang pinag-aralan n’yo dun sa organisasyon n’yo ay paano gumawa ng bomba, paano gumawa ng armas, paano pumatay ng sundalo, mag-sparrow. That’s not activism.” Bilang aktibista, maaari kong sabihin na pawang kasinungalingan at kabalbalan ito. Gayunman, kailangang ipalaganap ni Parlade upang mailako na terorista ang mga aktibista.

Inihudyat ng pagbuo sa NTF-ELCAC, pagsasabatas ng Anti-Terror Act, at pamamayagpag ng mga katulad ni Parlade ang pananaig ng purong militaristang pananaw sa pagharap sa realidad ng armadong paglaban ng mamamayan dulot ng malaganap na kahirapan at kawalan ng hustisya sa lipunan. Itinuturo ng kasaysayan na tanging mga pagbabago sa lipunan na tutugon sa mga hinaing ng mamamayan, hindi pandarahas at panunupil, ang magdadala ng tunay na kapayapaan sa ating bayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.