Abante Tonite Interactive

Hanging bridge napigtas, 8 deboto sa Sinulog nahulog

125

Walong deboto ang nasugatan nang mapigtas ang hanging bridge sa gitna ng fluvial parade para sa Sinulog Festival sa Barangay Camugao, Kabankalan City, Negros Occidental, nitong Linggo.

Ayon kay Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) Chief Elbert Javellana, alas-6:30 ng umaga (Enero 19) nang mangyari ang aksidente habang masayang nanonood ng fluvial parade ang mga deboto.

Nagkaroon ng tensiyon nang big­lang mapigtas ang isang lumang hanging­ bridge at nahulog sa ilog ang mga biktima. Kabilang sa bumagsak ang apat na menor de edad pero agad namang nailigtas ang mga ito at dinala sa ospital sanhi ng mga tinamong sugat at pasa sa katawan.

Sa pagsisiyasat, napigtas ang hanging­ bridge dahil sa ‘overloading’ umano matapos dumagsa ang mga deboto.

Nabatid pa na ang 20 metrong hanging bridge ay nasa 30 taon ng ginagamit ng mga residente.

Agad namang ipinag-utos ni Kabankalan City Mayor Pedro Zayco ang pansamantalang pagpapasara sa tulay.

Tinatayang umabot sa milyong deboto ang dumalo sa Sinulog festival kung saan isinagawa ang ritwal na ‘colorful dance’ sa mga kalsada sa Cebu City nitong Linggo. (Dolly Cabreza)