Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Happy anniversary sa MPD at salamat sa suporta

0 209

Nais kong kunin ang pagkakataong ito upang muling pasalamatan at batiin ang mga miyembro ng ating pangunahing puwersa ng pulisya, ang Manila Police District (MPD) na pinamumunuan ni Gen. Leo Francisco, sa ika-120 anibersaryo ng pagkakatatag nito kamakailan lamang.

Ako at si Vice Mayor Honey Lacuna ay nakibahagi sa selebrasyon at kapwa nagpapahayag ng aming taos-pusong pasasalamat para sa lahat ng pagtulong at pakikiisa na ibinibigay ng mga taga-MPD sa lokal na gobyerno ng Maynila at mga mamamayan nito.

Higit lalo ngayong panahon ng pandemya, ang mahalagang papel na ginagampanan ng MPD hindi lamang bilang frontline personnel kundi maging tagapagpatupad ng kaayusan at katahimikan ay talaga namang dapat nating ipagpasalamat.

Bukod pa riyan, siyempre pa, ang kahalagahan ng tulong na ibinibigay ng kapulisan upang matiyak na lahat ng ordinansa kaugnay ng pagsisikap ng pamahalaang-lokal na mabawasan kundi man mawala ang mga kaso ng COVID-19 ay napatutupad nang husto at maayos sa buong lungsod ng Maynila. Hindi rin magiging matagumpay ang pagpapatupad ng mga lockdown at mandatory health protocols kung walang tulong ng MPD police.

Kasabay ng lahat ng ito ay patuloy ding ipinatutupad ng MPD members ang aking pangunahing bilin na gawing tuloy-tuloy ang pagtugis sa mga kriminal at nagtatago sa batas dahil ayokong gawin nilang taguan o tahanan ang Maynila.

Kaugnay nito ay nais kong papurihan ang mga pulis-MPD dahil sa pagkakaroon ng mahabang pasensiya at pagtitiis sa pagtugis sa mga kriminal sa lungsod.

Mula sa kabuuang bilang ng mga nadakip nang kriminal sa lungsod, masasabi nating nasa 95 percent ang nahuli nang buhay, dinala sa hudikatura at ngayon ay nagsisilbi ng sentensiya kundi man patuloy na dumadalo sa mga pagdinig na kanilang kaso sa iba’t-ibang korte.

Muli kong binabalaan ang mga kriminal at mga may kaso na nagtatago sa batas na lumayo sa Maynila dahil dito ay talagang susundan namin sila at ihaharap sa hustisya.

Ako at si Vice Mayor Lacuna ay hindi hihinto upang tiyakin lamang na ang mga mamamayan ng Maynila ay makapamuhay nang panatag at ligtas dahil ‘deserve’ nila ito sa halip na mamuhay nang may kahalubilong mga kriminal na may dalang banta sa kanilang seguridad.

Totoo, hindi natin maaring basta mapahinto ang mga kriminal sa paggawa ng iligal at maaring mayroon ding mga pagkakataon na ang masasamang-loob ay mapaikot ang batas o di kaya ay nakatatakas sa mga awtoridad.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Gayunman, aking tinitiyak na kapag ikaw ay gumawa ng krimen sa Maynila, wala kaming aaksaying panahon upang ito ay malutas at ikaw ay aming mapanagot sa batas.

Gaya ng lagi kong sinasabi, puyat ang ikamamatay ng mga kriminal na ito dahil hindi kami titigil sa pagtugis sa kanila kahit saang sulok pa sila ng Pilipinas magtago at titiyakin naming sila ay haharap sa hustisya.

Alam ko na lahat ng tao ay maaring magkamali at ako man ay nakaranas din na madapa kaya naman bilang bahagi ng pagiging makatao, handa akong gumamit ng diplomasya at bigyan ng pagkakataon ang sinuman na nais magbago at magsimulang muli.

Gayunman, hindi rin ako papayag na gawing katatawanan ng mga kriminal ang ating lungsod at mga tagapagpatupad ng batas sa pamamagitan ng paggawa ng krimen at pagtakbo na parang walang nangyari.

Muli’t muli ay aking inihahayag na may gobyerno na sa Maynila at kapag hinamon ninyo ang sistema, kami ay handang tumugon nang naaayon sa dapat at natitiyak ko din ang kahandaan ng MPD na harapin ang anumang hamon sa lahat ng oras.

Matapos ang isang taon at anim na buwan bilang alkalde, patuloy akong naniniwala sa MPD at ipinagmamalaki ko ito.

Isang bagay din ang aking natitiyak—na ako at si Vice Mayor Honey ay hindi maaring gampanan ang lahat kung walang tulong ng MPD na ang buong suporta at pakikiisa ay isang malaking bagay sa tagumpay na tinatamasa ng aming mga programa para sa kapakinabangan ng mga Batang Maynila.

Talagang napanindigan ng MPD ang taguring ‘Manila’s Finest.’ Muli, sa lahat ng mga miyembro ng MPD, congratulations sa inyong anibersaryo at ako, kasama ang mga opisyal at residente ng lungsod, ay umaasa sa ating patuloy na partnership at marami pang produktibong taon sa hinaharap.

Mula sa kaibuturan ng aming puso, maraming salamat na muli at hayaan ninyong tiyakin ko na ang pamahalaang-lungsod ay handang gawin ang lahat ng makakaya nito upang ibalik and suportang ibinibigay ng MPD sa Maynila.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.