Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Happy New Year sa lahat at umasa tayo ng magandang bukas

0 111

Una sa lahat, ‘Happy Holidays’ sa inyong lahat, lalo na sa aking mga minamahal na ‘Batang Maynila’!!! Sana, lahat kayong giliw na mambabasa, ay nakapagdaos ng ligtas, makahulugan at masayang pagdiriwang ng Pasko sa kabila ng pandemya.

Habang nalalapit na ang pagtatapos ng isa na namang taon, nais kong lingunin ang nakaraang taon nang may malaking pasasalamat sa Diyos para sa lahat ng biyaya at paggabay na Kanyang ibinuhos sa atin.

Taos-puso rin akong nagpapasalamat sa lahat ng tumulong upang ang aking unang taon at kalahating paglilingkod ay maging produktibo, mabunga at puno ng accomplishments na maging ako ay hindi nag-akala na maari palang makamit sa loob ng kung tutuusin ay napakaiksing panahon at sa gitna pa ng isang emergency health situation o pandemya.

Gaya ng alam ninyong lahat, said na pondo at malaking utang ang inabutan namin ni Vice Mayor Honey Lacuna sa aming pag-upo noong 2019 kaya naman nang mga oras na iyon, inisip ko na ang pagbabalik sa estado ng Maynila bilang kapitolyo ng bansa ay halos imposible.

Gayunman, muling napatotohanan na ang kasabihang ‘God provides’ ay tunay habang kami ay patuloy na nagsisikap upang maitayong muli ang Maynila na nalugmok dahil sa kapabayaan nitong mga nakalipas na taon. Napakalaking trabaho pero unti-unti ay patungo na tayo roon.

Napakapalad ko po dahil una, mayroon akong masipag at naka-todo suportang Vice Mayor sa katauhan ni Ate Honey Lacuna-Pangan. Mula noon hanggang ngayon ay patuloy kong ipinagpapasalamat ang suporta niya bilang Presiding Officer din ng Manila City Council.

Nariyan din ang suporta ng mga miyembro ng Manila City Council na tumutulong upang lahat ng proyekto ng lungsod ay umusad, sa pamamagitan ng agarang agpasa ng ‘enabling ordinances.’ Sa puntong ito ay nais ko ding pasalamatan si Council majority floorleader Joel Chua sa palagiang pagtulong nang hindi na kailangan pang hingan nito.

Kapuripuri na sina Vice Mayor Honey, City Council officials at mga miyembro ng konseho ay nagbubuhos ng ‘extra effort’ sa pagpasa ng mga ordinansa na kailangan ng agarang implementasyon lalo na sa gitna ng pandemya.

Sa di mabilang na pagkakataon, maging sa gabi ay nagdaraos ang Manila City Council ng mga sessions at nagta-trabaho ng ‘overtime’ laluna kung kailangang maipasa agad ang mga administration-backed measures na pakikinabangan ng mga taga-Maynila.

Gaya nila, maging ang aking mga kasamahang opisyal sa Manila City Hall ay karapat-dapat ding bigyan ng kredito at pasasalamat dahil sa paglagpas sa tawag ng tungkulin sa pamamagitan ng pagsisilbi bilang ‘frontliners’ sa paglaban sa COVID-19, kung saan maski labas na sa kanilang takdang trabaho ay ginagawa pa rin nila nang buong puso.

Espesyal na pasasalamat siyempre pa, para sa mga ‘health frontliners’ na mula noon hanggang ngayon ay patuloy na isinusubo sa panganib ang kanilang sariling kalusugan, kaligtasan at maging buhay mismo, gayundin ng kanilang mga mahal sa buhay, upang mailigtas lamang ang iba at matiyak na ang mga taga-Maynila ay naaalagan, sa kabila ng pagtaas ng mga impeksyon at namamatay sa coronavirus.

Sa di mabilang na supporters mula sa public at private sector, na nagbubuhos ng kanilang mga donasyon na malaking tulong sa mga proyekto ng pamahalaang-lungsod lalo na laban sa COVID-19, maraming salamat. Sila ay yaong mga may negosyo, maliit at malaki, gayundin, mga pribadong mamamayan na naka-base dito at sa ibang bansa na nagbibigay ng donasyong cash mula isang dolyar hanggang sa milyong piso.

Sa kanilang lahat, ang aming taos-pusong pasasalamat. Dalangin ko sa Diyos na kayo ay basbasan at sana ay paramihin pa ang mga kagaya ninyo. Di maikakaila na napakalayo ng narating ng mga tulong na ito, maliit man o malaki, upang mapondohan ang nakapakaraming proyekto ng lungsod at makatipid ito at mailaan ang talagang pondo nito sa iba pang kasing-halagang proyekto na para din sa kapakinabangan ng mga taga-lungsod.

Mula sa mga taga-Maynila at sa inyong lingkod, papuri at pasasalamat din para sa mga miyembro ng Manila Police District (MPD) sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa lungsod at sa pagsisilbi bilang frontliners sa gitna ng pandemay.

Higit sa lahat, nagpapasalamat din tayo sa mga mamamayan ng Maynila at mga netizens, na mula Day 1 ay nariyan upang ipaalam sa atin ang mga bagay na dapat ayusin at gawin at nangangailangan ng aking agarang atensyon at aksyon, gayundin sa mga miyembro ng media na lagi ring tumutulong sa pamamahagi ng mga impormasyon hanggang sa pinakamababang miyembro ng komunidad.

Sa pamamagitan ng suporta at pagtulong ng publiko, naniniwala ako na hindi tayo magkakamali o maliligwak at maari nang umasa ang mga taga-Maynila ng panibagong magandang bukas. Happy New Year sa inyong lahat!!!

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.