Abante Tonite Interactive

Harden naka-30pts sa 30 straight game

By
130

Higit isang minuto na lang sa laro ng Houston kontra Dallas, at mukhang matatapos na ang streak ng 30-point games ni James Harden.

Ibinaba ni Harden ang bola pero binakuran ng dalawang Mavericks defenders malapit sa 3-point line. Ipinasa niya kay Chris Paul ang bola, humiwalay ang depensa kay Harden.

Ilang dribbles ang nakalipas, binalik ni Paul ang bola kay Harden, nag-step back sa labas ng arc at ibinaon ang 3 sa harap ni Dorian Finney-Smith.

Buhay pa ang streak.

Umiskor si Harden ng 31 para ilista ang 30th straight 30-point game sa kabila ng nananakit na balikat, at inihatid ang Houston sa 120-104 panalo kontra Dallas Lunes ng gabi.

Tinanong si Paul kung desidido siyang tulungan ang kakampi na pahabain ang streak.

“For sure. He had what 28, so yeah, why not? We was up,” sagot ni Paul.

Bumagal si Harden, may palamuti pang 8 rebounds at 7 assists, dahil sa strained left shoulder na nakuha noong Sabado kontra Oklahoma City.

Isa lang ang naipasok niya sa unang pitong tira, pero tumapos ng 9 of 23 tampok ang pang-anim na 3-pointer 52.9 seconds na lang. Umalingawngaw ang “MVP! MVP!” pagkabaon niya ng tira.

Hindi raw ‘yung record ang hinahabol niya kundi ‘yung panalo matapos dumikit ng siyam ang Mavs.

“They were making their shots. They were coming back, cut the lead to I think 10 or nine points, so I just wanted to get the proper shots. I was just trying to make the right play.”

Isa na lang ang naghihiwalay sa kanila ni Wilt Chamberlain para sa second-longest streak ng 30-point games sa NBA history. Hawak din ni Chamberlain ang top 30-point game streak sa 65 na sunod.