Abante Tonite Interactive

Hasmine, lalaban ng kabugan sa Venice

By
13

HINDI makapaniwala ang baguhang aktres na si Hasmine Killip na siya ang tinanghal na Best Actress sa katatapos na 2016 Cinemalaya filmfest para sa critically-acclaimed indie film na Pamilya Ordinaryo.

Kinabog ng 21-anyos na si Hasmine sina Nora Aunor (para sa Tuos), Judy Ann Santos (Kusina), Barbie Forteza (Tuos) at Pokwang (Mercury is Mine) sa nasabing kategorya.

Ang sabi sa amin ni Hasmine nang makausap namin siya via Facebook messenger mula sa London, hindi niya in-expect ‘yon dahil ang akala niya ay sa Best Supporting Actress siya mano-nominate.

“Grabe! Hindi ko aka­lain! Nakakagulat talaga dahil mga beteranang aktres ang nakalaban ko.

I’m so happy! My husband’s family is very proud of me!” bulalas ng showbiz newbie, na based sa UK at kasal sa isang British national.

Gustung-gustong umuwi ng ‘Pinas ni Hasmine, kaya lang ay mahal ang pamasahe.

Nu’ng Cinemalaya awards night ay binasa ‘yung tinext niyang speech ng line producer ng movie nila na si Sa­rah Pagcaliwagan-Bra­kensiek.

Nagpasalamat si Hasmine sa lola niyang sumama sa kanya sa audition at pati sa shooting, sa mga magulang niya at sa mister niyang si Anthony Killip.

Cute ‘yung part na binigyan siya ni Ms. Sa­rah ng pamasahe papunta ng audition at saka pauwi.

Touched siya na kahit hindi siya artista ay tinangkilik ng mga manonood ang pelikula nila.

Sana raw ay nandu’n siya para makita ang mga ngiti at marinig ang mga palakpakan.

“Maraming salamat po sa pagpili sa akin na Best Actress. Ako po ay nagagalak at ito ang pinakamagandang nakamtan ko sa aking buhay,” bahagi ng speech na para sa amin ay Breakthrough Star ng Cinemalaya this year (kasama ng kapareha niya sa movie na si Ronwaldo Martin).

Naantig kami sa part na inalay ni Hasmine ‘yung award para kina Jane, Aries at Baby Arjan, na mga totoong tao pala dahil true story ito ng dalawang batang kalye na ninakawan ng anak. Wish ni Hasmine na mahanap na ang real-life Baby Arjan.

Pangalawang pelikula pa lang ni Hasmine ang Pamilya Ordinaryo.

Una niyang acting experience ‘yung short film na Junilyn Has na dinirek ni Carlo Manatad, na editor ng Pamilya Ordinaryo at nag-refer sa kanya kay Direk Eduardo Roy, Jr.

Kay Direk Edong tumira si Hasmine kasama ng lola niya habang ginagawa ang pelikula dahil malayo ang bahay niya.

Nag-workshop sila ni Ron kay Ruby Ruiz bago nila sinimulan ang movie.

Anak ng isang taxi driver si Hasmine Formalejo-Killip, na babaeng bakla kaya naaaliw ka­ming katsika siya.

Iba ang itsura niya in real life sa itsura ng karakter niyang si Jane na marumi, maitim, mukhang mabaho at hindi naliligo.

Nagtatrabaho siya bilang Amazon seller support nang ma-meet niya ang Briton na si Anthony Killip nu’ng 18-anyos siya. Nagkainlaban silang dalawa at nagpabalik-balik dito si Anthony hanggang sa niyaya siya nito ng kasal.

Last year sila ikinasal dito sa ‘Pinas, tapos ay lumipad sila pa-London para doon tumira.

41-anyos ang businessman husband ni Hasmine, na mahal na mahal niya at kung tawagin niya ay ‘my everything.’

Sa 73rd Venice International Film Festival (August 31-Sept. 10, 2016) unang mapapanood ni Hasmine ang pelikulang nagpanalo sa kanya ng Best Actress.

Kasali ang Pamilya Ordinaryo sa 13th edition ng Venice Days International Competition section ng nasabing filmfest.

Sobrang excited na siyang dumalo sa nasabing pestibal sa Italya. Naghahanap si Hasmine ng sponsor ng gown na isusuot niya dahil gusto niyang mangabog sa Venezia.

Natawa kami sa hirit niya na nanay niya kasi ang kabogera ng Cannes filmfest na si Maria Isabel Lopez (na gumanap bilang pokpok niyang madir sa pelikula) kaya lalaban din siya ng kabugan sa Venice!

Kahapon ay ibinalita sa amin ni Hasmine na may nahanap na siyang gagawa ng gown niya, ang designer na si John Herrera.

Smart casual ang dress code sa Venice Days, pero keri lang naman siguro kung gustong mag-gown ni Hasmine.

May sariling award for Best Film ang autonomous section na ito ng Venice filmfest, pero walang acting awards na binibigay dito.

Sasama kay Hasmine sa Venice ang husband niyang si Anthony. Tiyak na lalo itong magiging proud sa kanya. Hindi naman siguro ito magrereak sa mapangahas na love scene niya with Ron Martin sa movie.

Ang sabi sa amin ni Hasmine, very suppor­tive sa kanya ang mister niya. Payag itong bumalik siya ng ‘Pinas kapag meron siya ulit movie na gagawin.