Abante Tonite Interactive

Hatchback

0 205

FOR THE RECORD
Boyet Jadulco

Naging matagumpay daw ang transport holiday ng isang grupo ng transport network vehicle services (TNVS) driver nitong Lunes.

Ito’y dahil sa napilitan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magtakda ng miting sa kanila nga­yong Martes.

Kuwento ni Jun De Leon, tagapagsalita ng Laban TNVS, Marso 2018 pa sila sinulatan ang LTFRB pero inisnab lang sila kaya’t humantong ito sa tigil-pasada ng mga driver. Hiling nila ay ipatupad ang Memo­randum Circular 2018-005 na pinapayagan mag-operate ang mga hatchback hanggang 2021.

Sinabi ni De Leon na tagumpay ang transport holiday dahil tumaas ang pasahe sa Grab at hirap din ang pagbook kahapon. Indikasyon na marami ang tumugon sa kanilang panawagan na mag-offline.

Bilang isa sa tumatangkilik sa Grab, isa ako sa hindi kumporme sa pagsakay sa hatchback. Dahil sa maliit, pakiramdam ko’y nakasakay ako sa kotse ni Mr. Bean na makikipaggitgitan sa mga trak na laging nawawalan ng preno. Masikip din ito para sa pamilyang may apat na miyembro.

Bawal gawing taxi ang hatchback kaya’t hindi rin dapat itong gawing TNVS.

Pero dahil sa nag-isyu ang LTFRB ng Memorandum Circular, sinisi­ngil sila ng mga apek­tadong driver. Para matapos na siguro ang problemang ito, payagan na lamang sana ng LTFRB ang mga hatchback pero hanggang 2021 na lamang upang mabayaran nila ang hinuhulugan sa bangko.

Mahalaga din na maging consistent ang LTFRB sa kanilang mga desisyon upang sa gayon ay hindi sila nabubutasan. Sabi nga ni Senador Grace Poe, chair ng Senate committee on public services, hindi puwedeng paiba-iba ang ipinapatupad na regulasyon dahil hindi ito patas sa mananakay at sa mga namumuhunan.

Mabilis ang pagbabago sa sektor ng transportasyon at marapat lamang na masakyan, imbes na parahin ng ahensiya ng gobyerno ang mga pagbabago para sa ikabubuti ng mga mananakay at namumuhunan.