Abante Tonite Interactive

Hatian sa lupa ng mga magulang

397

Hi Atty. Claire:

Ako po si Lady Mae ng Negros. Apat po kaming magkakapatid at ako po ang bunso.

Itatanong ko lang po ay kung may karapatan kami sa conjugal pro­perty ng mga magulang namin? ‘Yung lupa po ay binigay sa amin ng DAR (Department of Agrarian Reform) noong Agosto 27, 1999. Nakapangalan po ito sa aming ina.

Ngayon po ay patay na ang nanay namin at may bago nang kinakasama ang tatay namin pero wala naman silang anak.

‘Yung tatay po namin laging sinasabing wala na siyang pakialam sa amin at parang itinatakwil na kami. Kaya naisipan po namin na kukunin na lang ‘yung 50% sa conjugal property nila ng nanay namin.

‘Yung lupa po ay tinataniman ng tubo. Dati sila ng ate ko ang umaasikaso noon. Pero noong may kinakasama na siya tinanggalan niya na kami ng karapatan sa lupa.

Ano po ang gagawin namin?

Salamat po,
Mae

Ms. Mae:

Una ang tanong ko ay bakit sa nanay mo lamang nakapangalan ang lupa? Paano ba ito nakuha ng nanay mo? Naipangalan ba ito dahil sa mga magulang niya na dating kinikilalang benepisyaryo ng DAR?

Kung ang pagkakapangalan sa nanay mo ay dahil sa kanyang pamilya ay hindi ko masasabing parte ito ng conjugal asset nilang mag-asawa. Kapag ganito ang sitwasyon ay pantay-panaty ang hatian ninyo at hindi lamang 50% ang makukuha ninyong magkakapatid.

Kung nabili ang lupa ng tatay at nanay mo ay magiging parte ito ng kanilang ari-arian at 50-50 ang hatian nila. Ang makukuha ng tatay mo ay 50% niya at ang share na 1/5 ng kalahati (50% share ng nanay mo) bilang ta­gapagmana ng nanay mo dahil sa siya ay asawa.

Sa ngayon na wala na ang nanay mo ay may parte na kayo sa lupa at hindi maaaring solohin ng tatay ninyo ang pamamahala at pag-aari nito.

Unang gawin ay sulatan ang inyong tatay tungkol sa plano ng hatian ng lupa ayon sa batas. Kapag hindi siya tumugon ay mapipilitan na kayong magsampa ng Petition for Judicial Settlement of Estate with Partition.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 84107624 o 89220245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.