Abante Tonite Interactive

Hatian sa mana

By
280

Dear Atty. Claire,

Nais ko po sanang ikonsulta sa inyo ang isyu tungkol po sa lupa na iniwan ng aming lolo’t lola sa tuhod.

Ang aking lola ay may anak na lalaki (Teryo) sa pagkadalaga bago pa sila maging mag-asawa ng aking lolo sa tuhod. Kasal sila ng aking lolo. Nagkaroon po sila ng isang anak din na lalaki (Carding) na siyang ama ng aking nanay. Suma­kabilang buhay na po ang aking mga lolo’t lola sa tuhod.

Nauna pong namatay ang lola ko, tatlong taon po nakalipas ay namatay na rin po ang lolo ko. Yumao na rin po ang kapatid sa ina ng aking lolo na si Teryo at mas nauna pa sa lola ko. Ang tanging nabubuhay na lang po ay magulang ng ­aking nanay na si lolo Car­ding.

May mga anak po ang kapatid ng aking lolo Teryo na pawang mga naninirahan na sa Estados Unidos. Ngayon po, ang mga anak po ng kapatid ng aking lolo Teryo ay gusto pong mangyari ay mahati ang lote sa kalahating parte. Sa ating batas po ay paano po ba ang tamang hatian ng legitimate at illegitimate child?

Ang titulo ay nakapangalan pa rin po ang aking mag-asawang lolo Rading at lola Lina. Sana po ay matulungan niyo kami dahil kasalukuyan na po kaming ginigipit at pinaaalis na kami sa tinatayuan ng aming bahay ng mga anak ni lolo Teryo.
Sana po ay matulu­ngan niyo po kami.

Salamat po

George,

***

Dear George,

Lumalabas na ang mga anak ng kapatid ng Lolo Teryo mo ay walang karapatang magmana dahil hindi naman sila konektado sa Lola Lina mo. Isa lamang ang anak niya sa pagkadalaga at ito ay si Teryo. Si Teryo ay may ibang mga kapatid (half sibling) sa ibang nanay kaya’t hindi sila maaaring humingi ng parte lalo pa at naunang namatay si Teryo sa nanay.

Kung nagkataon na naunang namatay si Lola Lina at naiwan niya si Teryo na isa sa mga tagapagmana ay magkakaroon ng pagkakataon na manahin ng mga tagapagmana ni Teryo ang share niya mula sa kanyang ina bilang isang illegitimate child.

Ang hati ng isang illegitimate child at hindi kapareho ng isang legitimate child. Kalahati lamang ng isang buo na share ang makukuha ng isang illegitimate child. At sa kasong ito ay makakakuha lamang ng kalahati ng kabuuang value ng isang legitimate child sa parte ng nanay niya. Kung ang property ay may halagang P2 milyon, ang parte ni Lola Lina ay P1 milyon lamang. Kung ang isang lehitimong anak ay may share na P500,000; ang isang illegitimate child ay magkakaroon ng P250,000.00.

Kaya hindi tama na sabihin ng mga kapatid ni Teryo na kalahati ang sa kanila. Wala silang makukuha dahil sa wala pang mana si Teryo nang ito ay mamatay at hindi sila konektado o walang relasyon kay Lola Lina.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245, o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.