Abante Tonite Interactive

Hatian sa mga ari-arian ng dating mag-asawa

239

Dear Atty. Claire:

Good day po. Ask ko lang po may karapatan po ba ako sa property namin after divorce? May tatlo po kaming anak.

Alam ko po kasi may ma­laking perang nakuha ang husband ko pero itinatago niya at may apartment po kami pero sa kanya lang napupunta ang upa kasi nandito ako abroad.

Please, attorney pakitulungan niyo po ako. Uuwi po ako sa February para kunin ‘yung share ko sa mister ko.
Salamat po ng marami sa magiging payo niyo.
Normita

Ms. Normita:
Ano po bang divorce ang pinag-uusapan natin? Divorce na isinampa ng asawa mo sa ibang bansa o isinampa mo laban sa kanya? Ang divorce kasi ay hindi kinikilala dito sa ating bansa maliban lamang kung ang nag-file ng application for divorce ay isang foreign national o isang foreign national na dating Pilipino.

Kung ang nag-file ng divorce ay isang Pinoy ay hindi kikilalanin ang decision na iyan maliban lamang kung ang Pinoy ang nasampahan ng divorce ng isang foreign national. Kapag hindi ganito ang sitwasyon ninyo at kapwa pa kayo Pilipino ay mananati­ling may bisa ang inyong kasal at may karapatan ka sa lahat ng ari-arian ninyo.

Kung valid naman ang divorce at kinilala na ng korte dito sa Pilipinas ay tingnan lamang kung ano ba ang nilalaman ng decision tungkol sa mga ari-arian. Kung walang nabanggit at hindi naging issue ito ay maaari kang magsampa dito sa Pilipinas ng partition ng property at magiging ebidensya mo ay ang decision tungkol sa divorce at ito ang magiging basehan ng korte upang paghiwalayin na ang ari-arian ninyo.

Dapat mo lamang ala­min kung ano-ano ba talaga ang ari-ariang naipundar ninyo at kung may bisa pa ang kasal ninyo upang malaman mo kung ano at hanggang saan ang karapatan mo.
***
Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 4107624 o 9220245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.