Abante Tonite Interactive

Hatian sa minanang lupa

0 256

Dear Atty. Claire:

Attorney tanong ko lang po ano ba ang dapat naming gawin kasi nang mamatay ang tatay namin sinabi ng mga kapatid niya na may utos daw po ang DAR (Department of Agrarian Reform) na hati-hatiin na raw ‘yung lupa.

Doon na po kami nakatira noong buhay pa ang magulang ng tatay ko. Doon po siya nagpagawa ng bahay sa lupa na paghahatian daw po, nasa 600 square meter ‘yun.

Ang kaso ‘yung bahay namin ay lumampas sa sukat. Gusto ng mga kapatid ng papa ko na sirain daw kasi lampas daw ‘yung bahay namin. Ayaw po nila na bayaran na lang namin ‘yung lupang sumobra dahil magpapatayo rin daw sila ng bahay. Ano po ang gagawin namin?
Gumagalang,
Mauricio

Mr. Mauricio:
Nabanggit mo sa iyong message na ang lupa ay sa magulang ng tatay mo kaya’t nang mamatay ang lola at lolo pati na ang tatay mo ay dapat nang hatiin iyan sa pagitan ng magkakapatid at ang hatian ay pantay-pantay.

Kahit sumobra pa ang nasakop ninyong lupa ay dapat ninyong ibalik ang nasakop na sobra dahil sila, bilang landowner, ang may karapatan na mamili kung ibebenta ba nila ang parteng nasakop ninyo o kukunin nila mula sa inyo.

Ang landowner kasi, ayon sa batas, ang siyang may karapatang magsabi kung ibebenta ba niya ang lupa niya o ang parte nito at hahayaan na manatili ang isang builder in good faith sa lupang nasakop o kaya naman ay magsasabi siyang i-surrender na ang parte na nagamit ng isang builder.

Kaya’t kahit gusto ninyong bayaran ang parte ay hindi kayo ang masusunod, lalo pa kung alam naman ng tatay mo noon pa na nakasakop siya ng higit sa sukat na dapat na parte lamang niya bilang isang tagapagmana.

Ito lamang ang mapapayo ko bago kayo sumunod sa sinabi ng mga kapatid ng tatay ninyo. Hingin niyo mula sa kanila ang sinasabing utos ng DAR lalo pa at wala kayong kaalam-alam sa mga nangyari noong buhay pa ang tatay ninyo.

Magsagawa muna kayo ng trace back para malaman ninyo kung kanino ba talaga nakapangalan ang lupa. Baka naman kasi sa tatay ninyo naman ang lupa at siya ang awardee o beneficiary ng gobyerno kaya’t nagpatayo ang tatay mo ng bahay diyan. Nakapagtataka lamang na noong buhay ang tatay mo ay hindi sila nag-claim ng sinasabi nilang parte.

Ngunit kung nakapangalan naman ito sa mga lolo at lola mo ay wala kang magagawa kundi sundin ang batas at ibigay ang dapat na ibigay sa mga taong may karapatan sa lupa.
***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8-922-0245 o 8-514-2143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.