Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hatol sa ABS-CBN irespeto

0 809

Ipinahayag ng Malacañang na nirerespeto nito ang naging desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ibasura ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Sa pamamagitan ni Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi nito na “sole prerogative” ng Kongreso ang pag-apruba sa prangkisa ng network at kinikilala ito ng executive branch ng gobyerno.

Binigyang-diin pa ng kalihim ang aniya’y “neutral stance” ng Palasyo hinggil sa isyu dahil na rin sa separation of powers ng ehekutibo at lehislatura.

“Much as we want to work with the aforesaid media network, we have to abide by the resolution of the House committee,” ani Roque.

Inihayag naman ni Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang desisyon kung bibigyan o hindi ng prangkisa ang ABS-CBN ay nasa Kongreso lamang, partikular sa committee on legislative franchises.

“ABS-CBN, as well as those against its franchise application, were given the opportunity to be heard their respective sides, that due process requires. This is a democratic process and we, in the Executive Branch, must respect its outcome,” ani Panelo.

Naging transparent naman aniya ang public hearing at batid ng publiko ang mga kaganapan hinggil dito.

Vargas atras sa botohan bilang ABS-CBN actor

Samantala, hindi sumali sa botohan si Quezon City Rep. Alfred Vargas dahil sa conflict of interest at pinaliwanag nito ang kanyang desisyon sa publiko.

Sa pahayag ni Vargas, sinabi nito na dahil sa kanyang trabaho bilang actor at producer kung saan nagkaroon siya ng ilang project sa ABS-CBN kung kaya’t napagdesisyonan niyang mag-inhibit sa botohan.

“My heart goes out to ABS-CBN, its employees, and other workers whose livelihood depends on the network,” saad ni Vargas.

“But RA 6713 section 7(a), on the Code of Conduct for Public Officials, and sections 28 and 81 of Rule IX of the House Rules on Committee Voting, as well as avoidance of conflict of interest, impel me to inhibit myself from casting my vote on the network’s application for franchise renewal,” aniya pa.

ABS-CBN tuloy sa serbisyo

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang pamunuan ng ABS-CBN sa lahat ng sumuporta, nagtieala at nagdasal para sa network.

Sa pahayag ni ABS-CBN president at chief executive officer Karlo Katigbak, sinabi nito na masakit sa kanila ang naging resulta ng botohan ng mga mambabatas na nagkait na pagkalooban ng panibagong prangkisa ang network.

Gayunman, sinabi ni Katigbak na nagpapasalamat sila sa Kamara dahil binigyan sila ng pagkakataon upang linawin at masagot ang mga ibinabatong akusasyon laban sa kanila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.