Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hawaan ng COVID sa sasakyan

0 368

Pitumpu’t dalawang minuto lang sa loob ng isang nakasarang sasakyan kasama ang isang carrier ng Covid-19, maaari ka nang mahawaan nito.

Ito ang lumabas sa pag-aaral ni Joseph Allen, assistant professor at director ng Healthy Buildings program sa Harvard T.H. Chan School of Public Health.

Kapag saradong sarado ang sasakyan at nakabukas ang airconditioning unit, umiikot lang sa loob nito ang virus na naibubuga ng isang Covid – 19 patient, may simtomas man ito o wala. Nailalabas niya ito lalo na kung wala siyang proteksyon tulad ng face mask at face shield habang nasa loob ng sasakyan. At mas lumalaki ang tsansang manatili lamang na umiikot ikot sa loob ng sasakyan ang virus habang ito ay hindi nabubuksan.

Sa naunang pag-aaral ng Environmental Health Perspectives ng National Institute of Health ng Amerika, umiikot ang aerosol particles sa isang kuwarto at natutunaw kapag napalitan na ng hangin mula sa labas ang hangin sa loob ng kuwarto. Magkakalayo rin kadalasan ang mga nasa loob ng kuwarto kaya’t naiiwasan ang pagkakahawaan. Pero paano kapag nasa loob na ng sasakyan at apat ang nakasakay?

Maaari pa ring makaligtas mula sa pagkakahawaan ang mga nakasakay sa isang sasakyan kung bubuksan ang bintana ng sasakyan. Kahit nga tatlong pulgada lang ang nakabukas, ayon kay Professor Allen, ay makakatulong na para matunaw ng kusa ang nakalutang na virus sa loob ng sasakyan.

Kung hindi naman talaga mabuksan ang bintana dahil natatakot na manakawan, siguraduhing nakabukas ang ventilation ng sasakyan – makakapasok ang hangin na nanggagaling sa labas at napapalabas naman ang hanging nasa loob.

Importante ring manatiling naka-face mask at face shield o goggles kahit nasa loob ng sasakyan lalo na kung hindi alam ang pinanggalingan ng mga kasama sa sasakyan – kahit na kamag-anak o katrabaho mo pa. Iwasan ding maghawakan at mag-usap ng malapitan kapag nasa sasakyan. Mas mabuti nang ligtas kaysa magsisi sa bandang huli dahil sa kapabayaan.

* Maligayang kaarawan sa aking kapatid na si Atty. Michelle Pahati-Manuel!

Leave A Reply

Your email address will not be published.