Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Healing Galing’ sinibak ng Singko kahit may kontrata

0 282

NAPUNO ng reklamo ang comment section ng Facebook live streaming ng Radyo5 noong August 16 mula sa mga may edad na audience ng “Healing Galing” dahil sa pagkawala ng kanilang paboritong programa na umeere sa TV5 tuwing Linggo ng umaga, mula 7am – 8am.

Ayon sa kanila, limang taon na nilang sinusundan ang public service program na “Healing Galing” na hino-host ni Dr. Edinell Calvario, isang naturopathic doctor dahil malaki ang naitutulong nito sa kanilang kalusugan.

Marami na raw sa kanila, lalo na sa mga nagkaka-edad na manonood na nawala ang kanilang mga problema sa katawan dahil sa mga itinuturo ni Dr. Calvario na ang mga panlunas sa kanilang nararamdaman ay puro galing sa mga halaman. Ang kanilang matagal na pagsubaybay sa programa ang makapagpapatunay na malaki ang naging pagbabago sa kanilang kalusugan.

Kaya nananawagan ang mga suki ng programang “Healing Galing” na huwag naman anila itong palitan ng isang programa na hindi naman nila kayang sundan. Hindi rin daw ito nababagay sa kanilang edad at kalagayan. Ang nasabing ipinalit na programa ay ang Fit For Life na ang host ay si Jessy Mendiola na isang show na pang-ehersisyo na nababagay sa mga kabataan.

Bagama’t ito raw ay nakabubuti rin sa pangkalusugan, pero sana raw ay pagtapos na ng kanilang panonood ng “Healing Galing” ito ipalabas.

Ayon sa supervising producer ng programa na si Nestor Tan, ang kasalukuyang kontrata nila ay hanggang December 31, 2020.

Ipinagtataka lamang daw niya at ng program manager na si Manny Martinez na wala silang natanggap na pahayag mula sa bagong pamunuan ng TV5 na mawawala ang kanilang programa o anumang pasabi man lamang kung ito ay ililipat sa ibang oras.

Idinagdag pa nina Tan at Martinez na may 11 episode na natapos na nilang gawin na hindi na maipapalabas dahil sa nangyari.

Ipinagbigay alam din nila Tan at Martinez na sa loob ng 5 taon nila sa TV5 ay ang Healing Galing lamang ang programang humakot ng maraming awards para sa nasabing himpilan bilang Best Public Service Program.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa makunan ng pahayag si Dr. Calvario. Napag-alaman na abala ngayon si Dra. Calvario sa kanyang tungkulin bilang Presidente ng Women Inventors Association of the Philippines, Inc. (WIAPI) kung saan masigasig ang kanilang grupo sa pakikipagtulungan sa mga local government units para sa holistic approach sa pagbibigay lunas sa Covid19.

May mga clinical trials na silang ginawa sa mga nagpositibo sa naturang sakit na ang moderate case ay tumagal lamang ng 7 hanggang 14 na araw at ang severe case ay umabot lamang ng 14 hanggang 21 na araw ang gamutan.

Habang sinusulat ito ay kinukuha rin ang panig ng TV5 para sa ikalilinaw ng isyu.Bukas ang Tonite para sa kanilang paliwanag kung bakit natsugi ang ‘Healing Galing’ kahit may kontrata umano ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.