Abante Tonite Interactive

‘Healing priest’ binawalang magmisa sa Cubao diocese

659

Pinagbawalan ng Diocese of Cubao sa Quezon City na magmisa at magsagawa ng iba pang sakramento ang tinaguriang ‘healing priest’ na si Fr. Fernando Suarez.

Inanunsyo ito sa isang circular ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco sa lahat ng parish priest at superior ng mga religious community na may petsang Oktubre 30 pero nitong Biyernes lang inilabas.

“Please know that Fr. Fernando Suarez, founde­r of the Missionaries of Mary of the Poor, and the priests from his group are banned from celebrating the Holy Eucharist and administering other sacraments in the Diocese of Cubao,” nakasaad sa circular ni Bishop Ongtioco.

Ayon kay Bishop Ongtioco, hindi pinapayagang magmisa at magsagawa ng iba pang sakramento ang mga pari na kabilang sa grupo ni Fr. Suarez hangga’t hindi pa nalilinawan ang mga kaso o alegasyong ibinabato laban sa kanila.
Pero hindi binanggit sa circular kung anong kaso ang kinakaharap ng grupo ni Fr. Suarez.

Nagbabala rin ang Obispo laban sa mga ‘pari’ ng iba pang sekta at mga dati o suspindidong paring Katoliko na bawal magmisa sa kanilang diocese.

Noong nakaraang buwan ay hindi pinayagan ni Malaybalay Bishop Jose Cabantan na magsagawa ng ‘healing mass’ sa ilalim ng kanyang hurisdiksyon ang kontrobersyal na pari.

Ayon kay Cabantan, nagsasagawa si Suarez ng ‘healing mass’ na walang permit mula sa kanyang diocese.

May ilan pang Obispo ang pinagbawal na rin dati si Suarez na magmisa sa kanilang diocese. (PNA)