Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Health worker tinarakan sa bagal ng ayuda

0 83

Sugatan ang isang barangay health worker (BHW) matapos pagsasaksakin ng isang mister na naburyong sa kabiguang makatanggap ng P5,000 cash assistance sa Brgy. Mambaroto, Sipalay City, Negros Occidental noong Biyernes.

Nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Elsa Claridad, 51, na kasalukuyang ginagamot sa ospital subalit hindi naman naging kritikal ang kondisyon nito.

Sa report na ipinarating sa Camp Crame ni Master Sergeant Robert Castro ng Sipalay City Police Station, pauwi na sana si Claridad subalit inabangan siya ng suspek na kinilalang si Pablito Morales Jr., 24, sa Crossing Marabo at inundayan ng magkakasunod na saksak gamit ang screw driver.

Agad naman naaresto ang suspek at sa interogasyon ng pulisya, idinahilan nito na nagalit siya sa mga health worker dahil hindi pa nila natatanggap ang P5,000 cash assistance gayong kabilang ang kanyang pamilya sa lubhang naapektuhan ng bagyong `Odette’ matapos na magiba ang kanilang bahay noong Disyembre 2021.

Sinabi ng suspek na hindi maibigay sa kanya ang ayuda dahil sa umano’y maraming mga papeles pa ang hinahanap na hindi niya maiprisenta.

“Kinamatayan na nga ng ama ko hindi pa rin nakakatanggap ng tulong, dami nila hinihinging papel, katwiran ni Morales.

Inihahanda na ang kasong frustrated murder na isasampa laban sa suspek. (Betchai Julian)

Leave A Reply

Your email address will not be published.