Abante Tonite Interactive

Healthy Pateros Week

227

Kadalasan ang kalusugan ay hindi masyadong binibigyan ng pansin dahil sa napakadaming prayoridad. Trabaho, mga kumpromiso sa ibang tao at sa pamilya, kapaligiran, at kung ano-ano pa. Hindi naaalala ang pang sariling kapakanan hanggang sa kasamaang palad ay magkasakit o maaksidente. ‘Yan ang layunin na gustong bigyan ng importansya ng munisipyo ng Pateros. Itong linggo ay hinirang na Healthy Pate­ros Week. Ika-labingpitong taon na ito at ang kanilang theme ay “stay strong with arthritis, let’s keep moving”.­ Tumututok sa mga buto at kundisyon ng mga buto ang pagdiriwang na ito at ikinagagalak ko na maimbita bilang kanilang keynote speaker sa kanilang opening event noong nakaraang lunes sa kanilang flag ceremony.

Ipinarating natin na sa katawan ng tao, may mga tinatawag na vital organs.
Ito ay ang puso, baga, at utak. Hindi gaano napapansin ang mga buto na siyang poste at humahawak sa ating buong katawan, at pumoprotekta sa mga vital organs, hanggang ito ay tunay na maapektuhan, gaya ng arthritis, o maaksidente at mag dislocate o mabalian.

Kaya pinakamahalaga ay patibayin natin ang buto. Kumain ng wasto, lalong-lalo na ng mga pagkain na mataas ang calcium. Gaya ng gulay, yogurt, keso, seafood at beans. Kung kinakailangan mag supplement ng calcium at vitamin D3. Uminom ng gatas kung kaya. Mag ehersisyo, kahit maglakad lamang, dahil ang bawat hakbang natin ay naghihikayat ng maganda at maayos na pagtubo ng bagong buto. Umiwas sa mga bisyo gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, at lalong-lalo na ang mga bawal na droga, dahil nakakaapekto ito sa pagdaloy ng dugo sa buto kaya’t maaaring masira ito at maging sanhi ng pagkirot at sa kalaunan ay mahirapang kumilos at gumalaw. At sa kahuli-hulihan ay magpahinga dahil hindi tayo makina. Kaila­ngan ng mga muscles na nakapalibot sa mga buto natin at nagpapagalaw nito na makabawi sa kilos at galaw na ginawa mag­hapon.

Nais kong batiin at pasalamatan sa pag-imbita sa akin ang municipal health officer ng Pateros na si Dr. Ronald Raymundo. Sa pamumuno niya, gabay ng kanilang alkalde na si Mayor Miguel Ponce III, at ng buong municipal health office sa pagbigay nila ng kahalagahan sa kalusugan.

Ang pagtanda ay ‘di natin mapipigilan. Wala pang naimbentong gamot o pamamaraan para mapigilan ito. Kaya ang mahalaga ay panatilihing malakas ang katawan natin para hindi magmada­ling tumanda ang katawan natin. Huwag natin antayin magkasakit tayo para pansinin ang kalusugan natin. Maging aktibo sa pang araw araw tu­ngo sa pagiging malusog. Hindi lang para sa atin kungdi para din sa mga mahal natin sa buhay.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

***

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler,­ fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talaka­yan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa DocRylan para sa mga komentaryo at katanungan.