Abante Tonite Interactive

Helicopter, sundalo at sulat

384

Dear Dreamcatcher,

Nanaginip po ako ng 3 helicopter. Nasa isang gusali raw po ako na medyo madilim pero nakikita ko po lahat ng nasa paligid ko. Mag-isa lang ako. Ang mga bintana ay maluluwang at open po. Sumilip po ako sa bintana. May mga sundalo sa baba. Parang may hinahanap sila. Pagdungaw ko po sa taas may 3 helicopter na paikot-ikot lang sa taas. Para po akong natakot kaya umatras ako. Sumilip po ako sa kabilang bintana. Nakita ko po isang Amerikano.

Nakangiti sa akin. May inabot na sulat. Kinuha ko po ang sulat at binasa ko po pero hindi ko maintindihan. Pinipilit ko po una­wain pero ‘di ko talaga mabasa. At ang isang panaginip ko naman po, nasa pinakatuktok ako ng isang gusali. Maliwanag ang pligid ko. Kitang-kita ko ang langit na kulay blue, mga ulap at may isang helicopter na lumilipad ulit. Ano po kaya ibig sabihin ng panaginip ko?
Ann

Ann
Tatlong simbolismo ang naging prominente sa iyong panaginip: ang helicopter, sundalo at ang sulat.

Ang helicopter na nakita mong lumilipad ay sumisimbolo sa iyong mga goals at pangarap sa buhay. Kung ang nakita mong helicopter ay pribado, maaari itong itu­ring na simbolo ng power at karangyaan dahil ang helicopter ay gina­gamit na transportasyon ng mga mayayaman. Kung mataas ang lipad ng helicopter, maaari itong ikonek sa tagumpay na nais mong marating at posible ring mensahe ng iyong subconscious na mataas pa ang iyong mararating.

Pero kung ang nakita mong helicopter ay military choppers at kung konektado ang mga helicopter sa mga nakita mong sundalo, maaari naman itong indikasyon na sa aktuwal mong sitwasyon ay nakakaramdam ka ng anxiety o pangamba kaugnay sa isang malaking pinaplano mo. Halimbawa, nagbabalak kang magtrabaho sa abroad at ang helicopter ay representasyon ng iyong mga plano at indikasyon na nakakaramdam ka ng pangamba. Maaari ring nagdududa ka kung tama ang iyong desisyon.

Related Posts

Kung hindi ka naman nakaramdam ng takot sa iyong panaginip, maaaring mensahe ito ng iyong subconscious na: sige lang, ituloy mo ang iyong pangarap, gaano man ito katayog.

Ang sundalo ay sumisimbolo sa disiplina na kailangan mong ipatupad sa sarili mo. Ang sundalo ay maaari ring representasyon ng iyong sarili. Nakangiti sa iyo ang sundalo nang iabot ang sulat at maaaring mensahe ito ng iyong subconscious na nagpapakita ng kumpiyansa sa kung anumang mga binabalak mo sa buhay.

Ang sulat naman na hindi mo maintindihan ay nagpapakita na may pagdududa ka pa rin at nagkukulang ng kumpiyansa.

Sa anumang hamon ng buhay, panatilihin ang tiwala at manalig sa sariling kakayahan dahil kung mana­naig ang takot, hindi na tayo mangangahas lumipad nang mas mataas!

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.