Abante Tonite Interactive

Hello Bello! OFW ikinulong, ginugutom ng Saudi employer

2,390

May bagong problema na kailangang ayu­sin ang ahensiyang nasa ilalim ng pamamahala ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.

Nagpapasaklolo kahapon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa ­Jeddah, Saudi Arabia.

Sa ini-upload na ­video ng OFW na si Edralyn Cauntoy, ibinaha­gi nito ang ginagawa sa kanya ng among arabo.

Bukod umano sa ikinakandado si Cauntoy sa stock room ng bahay ay ginugutom pa ito at puro noodles at panis na kanin ang ipinapakain sa kanya.

Magdadalawang taon nang nagtatrabaho si Cauntoy sa Jeddah.

Nanawagan naman ang pamilya ni Cauntoy sa OWWA na tulungan at sagipin ang kanilang anak para makauwi ito sa Pilipinas.

Samantala, sinabi ng OWWA na agad nilang aaksiyonan ang paghingi ng tulong ng pamilya ni Cauntoy at agad silang makikipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia para matulungan ang Pinay.