Abante Tonite Interactive

Helterbrand may asim pa, Ginebra nilamon ang Purefoods

436

Pinatunayan ni Jayjay Helterbrand kung bakit siya naging Most Valuable Player ng PBA.

Sa paghaharap ng mahigpit na karibal na Ginebra at Purefoods, kumubra si ‘The Fast’ ng 28 points, siyam na rebounds, limang assists at dalawang steals para sa Ginebra para madomina ang 100-83 panalo sa UNTV Cup PBA Legends Faceoff, Linggo sa Pasig City Sports Center.

Nakatuwang ni Helterbrand si Vince ‘The Prince’ Hizon sa parehong all-around performance na may 25 markers, four boards, eight dimes at three steals.

“Last week we had a really bad showing and it was very disappointing for ourselves and for our fans,” ayon sa dating ka-tandem ni Mark Caguioa, nagwagi ng anim na kampeonato ang kanilang samahan.

“So we really want to come out here and play hard and thank God our shots were able to fall today.”

Sa third quarter ay pinalawig ng Kings ang lamang sa 25 puntos, 71-46, matapos ang 20-4 scoring blitz, ngunit nakabawi ang Purefoods sa fourth na naibaba pa ang abante, 81-67.

Ngunit nanatiling matikas si Helterbrand at Hizon, nagpasimuno ng 14-5 run sapat para sa panalo.

Bumigkis ng 18 points at walong rebounds si Roger Yap para sa Purefoods, habang may 16 points at pitong rebounds naman si four-time league MVP Alvin Patrimonio. (RMP)