Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hepe, 5 pa sibak sa eskapo ng 4 Bilibid preso

0 129

Sinibak ang superintendent ng New Bilibid Prison (NBP) maximum security compound at hindi bababa sa limang jail guard matapos ang naganap na pagpuga ng apat na preso nitong Lunes ng madaling-araw.

Ang pagkakasibak kay Superintendent Arnold Guzman ng NBP maximum security compound ay kinumpirma kahapon ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclag.

Itinalaga na bilang bagong superintendent ng nasabing compound si Supt. Roy Villasi.

Samantala, iniimbestigahan din ang posibleng sabwatan ng mga jail guard at ng mga tumakas na bilanggo, ayon pa sa ulat.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa patuloy na imbestigasyon ng BuCor, sinabi ni Chaclag na Lunes ng madaling-araw nang puwersahang pabuksan ng mga tumakas na preso sa bantay sa pinto na si Michael Dullavin, ang gate ng Dormitory 9 kung saan sila nakakulong.

Nabatid na pumalag si Dullan na isa ring preso kaya siya binaril ng isa sa mga pugante. Naisugod pa siya sa ospital subalit namatay din kamakalawa.

Matapos makalabas ng gate ay tumawid ang mga tumakas na preso sa ibabaw ng pader na puno ng barbed wire bago tumalon sa kabilang bakod at doon ay malayang nakatakas.

Sa ngayon, dalawang preso na lang ang pinaghahanap ng awtoridad – sina Chris Candas Ablas at Drakilou Falcon – matapos na mapatay sa magkahiwalay na engkuwentro ang dalawang pugante na sina Pacifico Adlawan at Arwin Bio. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.