Hepe ng Olongapo police sibak sa viral video drug bust

OLONGAPO CITY – Sinibak sa puwesto ang hepe ng pulisya sa lungsod na ito habang gumugulong ang imbestigasyon sa nag- viral sa social media na buy bust operation at pag-aresto sa isang lalaki noong Enero 2.
Ito ay base na rin sa inilabas na pahayag ng Regional Office sa kanilang official Facebook page kagabi.
Ayon kay Police Regional Office III Director PBGen. Valeriano De Leon isang malalimang imbestigasyon ang ikinasa sa nag-viral na video ng pag-aresto sa isang drug suspect sa New Cabalan, Olongapo City na si Nesty Gongora kung saan inakusahan ng police brutality ang ilang operatiba ng Police Station 4.
Kaugnay nito ay ipinag-utos agad ni De Leon na “administratively relieve” ang station commander ng PS4 na si Capt. Walter Primero habang gumugulong ang imbestigasyon sa kaso.
Matatandaang sa video ay inaresto ni Primero at ang Drug Enforcement Unit ang suspect sa droga na si Gongora habang sinusubukan ng mga kaanak na pigilan ang mga pulis mula sa paghila para isakay sa isang kotse.
Samantala, base sa chemistry report kung saan kinunan ng urine sample ang suspek na si Gongora ay nagpositibo ito sa paggamit ng illegal na droga.(Randy Datu)