Abante Tonite Interactive

Hepe ng San Isidro, NE; 8 tauhan inireklamo sa paglusob sa electoral meeting

360

Nalagay ngayon sa alanganin ang isang police chief at walo nitong mga tauhan dahil sa umano’y pambubulabog sa payapang electoral meeting ng isang congressional bet sa 4th district ng Nueva Ecija noong Abril 7.

Kinilala ang inireklamo sa Central Luzon police internal affairs service na si Police Major Ranny Guzman Casillaz, hepe ng San Isidro, Nueva Ecija.

Kasong ‘grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of service’ ang inihaing reklamo ni Salvador Franco Jr., campaign leader ni Dra. Maricel Natividad Nagaño, kandidato opisyal sa pagka-kongresista sa ilalim ng People’s Reform Party.

Sa salaysay ni Franco na notoryado ni Atty. Arnold Castro, pagitan ng alas-10:00-11:00 nang umaga noong Abril 7 ay abala sila sa campaign meeting­ sa loob ng Farm View Resort (dating Rose Garden) sa Brgy. San Roque, San Isidro nang dumating sina Casillaz at tauhan nito.

Kitang-kita umano sa mga nakalap­ na CCTV footage ang animo’y raid ng mga pulis na pawang armado na ikinaalarma’t ikinatakot ng mga duma­lo sa pulong.
Nabanggit pa umano na pinarata­ngang nagsasagawa ng pay-out o vote buying sa lugar.

Kasama sa iprinisinta sa reklamo ang kopya ng kasunduan nina Dra. Natividad-Nagaño at Enrique Salonga ng Farm Resort mula pa noong Pebrero 1 sa kontratang P80,000 para sa 4 na buwang pagpupulong sa resort. (Jojo de Guzman)