Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Herd immunity’ abot-kamay na, salamat sa mga Batang Maynila

0 201

Talaga namang tigib ang inyong lingkod ng tuwa at pagmamalaki kung paano di ininda ng mga Batang Maynila ang malakas na ulan at baha nitong nakalipas na linggo, para lamang mabakunahan.

Sa gitna ng pagbuhos ng ulan, napakaraming residente ang nagsilusob pa rin sa aming mga itinalagang vaccination sites, isang pagpapakita ng matinding determinasyon na makakuha ng proteksyon laban sa pagiging severe o critical sa gitna ng patuloy na pananalasa ng COVID-19, na ngayon ay sinamahan pa ng mga variants.

Ang kaganapang ito ay isang maliwanag na patunay ng pagtatagumpay at pagiging epektibo ng aming tuloy-tuloy na kampanya para kumbinsihin ang mga taga-Maynila na magpabakuna, sa oras na naririyan ang pagkakataon.

Gaya ng dati, hindi ko alam saan hahagilap ng tamang pananalita upang ilarawan kung gaano ko pinagmamalaki at pinasasalamatan nang husto ang aking working partner na si Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr, Poks Pangan, na kapwa nagta-trabaho nang lagpas-lagpas sa kanilang normal na ‘call of duty” upang tulungan akong matupad ang aking pangarap na maabot na ng lungsod ang ‘herd immunity’ sa lalong madaling panahon.

Talaga namang personal na pinangangasiwaan nina Vice Mayor Honey at Doc Poks ang aming mass vaccination program mula pa noong ‘Day 1’ at sila, kasama na ang aming mga vaccinating teams, ay nariyan umulan man o umaraw, ke holiday man o weekend, Sabado o Linggo man. Basta’t may bakuna, asahang nariyan sila at handang magbakuna.

Ang mga docktor, nurses, encoders, barangay authorities at personnel mula sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ilalim ni Arnel Angeles, gayundin lahat ng manggagawa ng lungsod na tumutulong sa maayos at mabilis na bakunahan ay karapat-dapat din sa pinakamataas na papuri at pasasalamat dahil sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan upang mabigyan ang mga residente ng kinakailangan nilang proteksyon laban sa COVID-19.

Proud na proud ako sa mga residente at sa lahat ng nasa likod ng aming mga bakunahan lalo pa’t malapit nang maabot ng lungsod ang inaasam na herd immunity. Ito ay isang accomplishment na maaring sabihing naabot ng lokal na pamahalaan dahil na rin sa aming mga residente at mga teams, partikular na sa kanilang partisipasyon at suporta sa aming patuloy na panawagang magpabakuna na.

Ayon sa Department of Health, kami sa lungsod ng Maynila ay kinakailangang makapag-bakuna ng 800,000 katao o 70 percent ng aming kabuuang populasyon, upang maabot ang herd immunity.

Habang isinusulat ito ay nasa 710,595 residente na ang aming nabakunahan at 444,985 sa mga ito ay ‘fully vaccinated’ na. Matagumpay din naming naibakuna ang kabuuang 1,155,580 vaccines mula nang aming umpisahan ang mass vaccination program ng lungsod noong Marso. Kasama sa nasabing mga bilang ang 400,000 doses ng Sinovac na direktang binili ng lokal na pamahalaan sa gumagawa nito China.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa kasamaang palad, ang dating banta na Delta variant ay narito na sa bansa kung kaya’t tayo naman ay dapat na gumawa ng mga bagong hakbangin upang maiwasan ang pagkalat nito sa komunidad.

Kung dati, ang home quarantine para sa mga asymptomatic patients ay pinapayagan matapos ang masusing pagsisiyasat kung may sapat bang lugar ang pasyente upang makapag-isolate nang maayos, hindi na ito papayagan sa ngayon sa ating kagustuhan na maagapan ang pagkalat Delta variant.

Sa halip, aking inatasan si assistant MHD chief Dr. Ed Santos na i-track down lahat ng asymptomatic patients na kasalukuyang naka-home quarantine at kunin sila, upang masuri kung variant ba ang tumama sa kanila at upang mabigyan sila ng tamang atensyong medikal sa Manila COVID-19 Field Hospital sa pinamamahalaan ni Dr. Arlene Dominguez.

Sa Manila COVID-19 Field Hospital, mas makatitiyak ang isang pasyente na siya ay maaalagaan nang maayos at husto ng mga kwalipikadong doktor at nurse.

Bukod sa libreng kumpletong pagkain tatlong beses kada araw, ang nasabing ospital ay fully-airconditioned at may wi-fi, television sets at hiwalay na wards, paliguan at toilets para sa kalalakihan at kababaihan. Bawat isa sa 344 beds nito ay mayroong oxygen, mini cabinet at communication system na konektado sa nurses’ stations.

Kaugnay nito ay nanawagan ako ng buong kooperasyon sa publiko, lalo na sa mga maaapektuhan ng kautusan kong ito, dahil ang ating pinangangalagaan ay ang higit na ikabubuti ng higit na nakararami.

Marahil ay alam na din naman nating lahat na ang nasabing variant ay higit na nakahahawa, mas mabilis kumalat at mas nakamamatay kesa sa COVID-19 mismo.
***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first!

For updates on latest developments in the city of Manila, please visit my Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.