Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Hagupit ni ‘Rolly’ at mga pasaway

0 400

Kalunos-lunos ang mga kuhang larawan sa mga lugar sa Bicol Region na sinagasa at sinalanta ng hagupit ng bagyong Rolly nitong araw ng Linggo.

Iilang oras pa lamang na nag-landfall ang syper typhoon Rolly ay matinding pinsala na ang idinulot nito sa mga ari-arian at mga pananim pati na rin ang mga paunang naitalang mga namatay sa bagyo.

Pero sa kabila ng maagang paglilikas sa mga residente sa dinaanan ng bagyong Rolly ay may mga iilan-ilang mga pasaway na mamamayan at nagmatigas na iwanan ang kanilang mga bahay.

Batay sa mga kuhang larawan na umikot sa social media, ilang mamamayan sa bahagi ng Daraga, Albay ang nakitang nasa mga bubungan ng kanilang mga bahay kung saan ilang dipa na lamang at abot na ng tubig-baha at malakas na agos ang tinutntunag bubong.

Tila ba napakahirap intindihin ang mga panawagan at paliwanag ng mga lokal na opisyal ng barangay sa tinatawag na pre-evacuation na ang layunin ay masiguro ang kaligtasan ng mamamayan.

Kapag naman may masamang nangyari sa mga pasaway, ang sisisihin ay ang mga opisyal na nakakasakop sa lugar.

Ilang dekada na at ilang mga malalakas na bagyo na ang bumayo at nanalasa sa ating bansa, at kahit anong pagsisikap na walang magbuwis ng buhay ay mayroon at mayroon pa ring naitatala dahil na rin sa katigasan ng ulo ng ilan sa mga mamamayan.

Paulit-ulit kahit magmistulang sirang plaka ang mga ahensiya at opisyal ng gobyerno sa mga paaala at babala pero tengang-kawali lamang ang ilang sa mga mamamayan na minsan ay pilosopo pa kahit nasa gitna na ng panganib.

Sana naman matuto na tayo at bigyang halaga ang ating mga buhay kaysa sa mga binabantayang ari-arian na maaari pa rin namang mapalitan.

Nakakalungkot ang mga nangyayari ngayon sa bansa dahil magkakasunod ang mga kalamidad na unang ipinadama ng bagyong Quinta, at ngayon ay ang super typhoon Rolly na maaaring masundan pa ng isang bagyo sa mga susunod na araw.

Pero ang pinakamatindi at pinaka-matagal na pinagdadaanan ngayon ng sambayanang Pilipino ay ang bagsik ng COVID-19 na patuloy na umaatake sa mga tao.

Hindi pa rin kasi inaalis ang posibilidad na kahit sa mga evacuation center kung saan inilikas ang mga naapektuhan ng bagyo ay mayroong banta ng COVID-19 kaya doble -ingat po tayo at sumunod sa mga pakiusap at paalala ng mga taong-gobyerno.

Higit sa lahat, panatilihin ang katatagan sa mga ganitong pagsubok at magdasal para sa kaligtasan ng lahat.

Leave A Reply

Your email address will not be published.